Red Cross nagmatigas, ayaw ng installment
Sa P930 milyong utang ng PhilHealth
MANILA, Philippines — Nanindigan si Philippine Red Cross (PRC) Chairman Richard Gordon na dapat mabayaran muna ang higit sa P1 bilyong pagkakautang sa kanila ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) bago sila muling magbigay ng COVID-19 RT-PCR test sa mga bumabalik na OFWs.
“They should pay the whole amount because nakabitin kami. Tingnan mo ha, babayad ka ng kalahati, kalahating bilyon ang utang. Papalakahin na naman, eh ‘di ninenerbiyos kaming lahat. Huwag naman,” ayon kay Gordon.
Malinaw umano ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bayaran na ang utang ngunit nagtataka siya kung bakit hindi pa rin ito naisasagawa ng PhilHealth na unang nangatwiran na may inaayos lamang sa mga proseso mula nang mapalitan ang matataas nilang opisyal.
Sinabi ng PRC na aabot na sa P1,014,975,500.00 ang utang ng PhilHealth sa kanila nitong October 13. Nasa P930,993,000.00 naman ang ‘overdue’.
Itinanggi rin ni Gordon ang sinabi ng Malacañang na pumayag sila na tanggapin ang 50% sa halaga bilang inisyal na kabayaran sa utang.
“Ewan ko kung saan galing ‘yung 50%, ‘di ko alam ‘yang 50%. Saka si Secretary [Harry] Roque tinext namin ‘yan eh, siningil ko nga ‘yan eh, pati asawa niya. Tapos sasabihin niya, ‘Dapat mag-test na kayo.’ Anong ipangte-test namin, Secretary Roque?” giit pa ni Gordon.
Ipununto niya na may pondo ang pamahalaan para dalhin sa mga hotels ang mga OFWs ngunit walang pondo para sa test kits ng PRC.
Sa kasalukuyan, mula sa dating 12,000 tests kada araw ay ibinaba na ito ng PRC sa 1,200.
Sinabi rin ni Gordon na kalahati na ng kanilang staff at medical technicians ang hindi nagrereport sa trabaho dahil sa natigil na COVID-19 testing. — Malou Escudero
- Latest