MANILA, Philippines — Inupakan ni Senator Christopher “Bong” Go ang patuloy na smuggling ng bigas sa bansa na nagpapahirap sa ating mga magsasaka.
Nanawagan ang senador sa lahat ng concerned agencies na protektahan ang kapakanan at interes ng maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagtugis sa mga abusadong negosyante at rice smugglers.
Sa kanyang manifestation sa public hearing ng Senate committee on agriculture, sinabi ni Go na sinusuportahan niya ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pag-overhaul sa rice importation system sa bansa.
“Sa panahon ng krisis at pandemya, ang ating mga masisipag na magsasaka ang nagsisilbing kasangga ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Go.
Ipinunto niya na sa kabila ng COVID-19 pandemic, patuloy ang mga abusadong rice traders at importers sa pananamantala kaya nahihirapan ang mga Filipinong magsasaka sa kanilang kabuhayan.
Dagdag pa aniya rito ang pananamantala at panloloko ng ilang malalaking rice traders at rice importers kaya hindi ito dapat palagpasin ng mga kinauukulan.
Kamakailan sa committee hearing sa panukalang 2021 budget ng Department of Agriculture, nangako si Go na ipasisiyasat ang rice smuggling ng isang kooperatiba sa Tarlac.
Tiniyak naman ng Department of Justice at National Bureau of Investigation na pananagutin ang mga sangkot na rice smugglers.