^

Bansa

NTF-ELCAC inaantay lang ideklarang 'terorista' ang mga grupo gaya ng Gabriela

James Relativo - Philstar.com
NTF-ELCAC inaantay lang ideklarang 'terorista' ang mga grupo gaya ng Gabriela
Protesta ng sektor ng kababaihan sa pangunguna ng Gabriela para sa Araw ng Kababaihan, ika-8 ng Marso, 2018
The STAR/Miguel Antonio De Guzman, fILE

MANILA, Philippines — Matapos banatan ang aktibistang grupong Gabriela at kanilang youth arm, itinutulak ngayon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tuluyan nang ideklarang terorista ng gobyerno ang ilang maka-Kaliwang grupo alinsunod sa batas.

Nangyari ang lahat ng ito matapos niyang balaan ang artistang si Liza Soberano sa pakikipagtrabaho sa Gabriela Youth — isang ligal na grupo — na inuugnay ng gobyerno sa New People's Army (NPA).

Basahin: 'Pag-ugnay' ng AFP kina Liza Soberano, Catriona Gray sa NPA sinupalpal

"Are they [Gabriela] part of the terrorist organization? Yes. Definitely," ani NTF-ELCAC spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade sa panayam ng ANC, Biyernes.

"We're just waiting for proscription of left-leaning groups as terrorist organizations."

Ang "proscription" ay tumutukoy sa proseso ng pagbabawal ng gobyerno sa isang teroristang grupo, kung saan ia-apply bilang iligal ang isang organisasyon.

Inililinaw ang prosesong 'yan sa Anti-Terror Law, bagay na tinutulan nang marami sa dahilang baka gawing iligal ang mga ligal na oposisyon at kritiko ng gobyerno.

Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?

ATC, may kapangyarihang mag-deklara kung sino ang terorista

Para ma-proscribe ang isang grupo, dapat itong ihain ng Department of Justice (DOJ) sa Court of Appeals bago tuluyang maideklarang teroristang grupo.

Gayunpaman, may kapangyarihan ang Anti-Terrorism Council (ATC) sa ilalim ng Section 25 na ideklara ang mga mga inibidwal, organisasyon o asosasyon basta't may "probable cause" — kahit hindi naman sila korte.

Aniya, binabanatan ngayon ng NTF-ELCAC ang pakikipag-ugnayan ng Gabriela Youth kay Liza Soberano dahil baka matulad daw siya sa mga ibang celebrities at personalities na naging relebdeng komunista, gaya ni Miss World Philippines 1967 Maita Gomez.

Inugnay sa CPP, kahit ligal itong partido

Patuloy ni Parlade, kahit walang iprinepresentang ebidensya, na ang Communist Party of the Philippines (CPP) ang nagnonomina sa mga party-list representatives ng militanteng Makabayan bloc sa Kamara.

Ang CPP ay ligal na partido pulitikal matapos i-repeal ng Republic Act 7636 o ang Anti-Subversion Act noong Setyembre 1992.

May kaugnayan: Anti-subversion law: Ano ito?

"Yes [they are terrorists], Gabriela, especially those nominated as party-list members... are communist cadres," sambit pa ni Parlade, na hepe rin ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command.

"It is a fact. You cannot deny it. It's the CPP who nominates these people."

Wala naman siyang ibinigay na batayan para sa paratang niya.

Sa ngayon, tanging ang Abu Sayyaf lang ang kinikilala ng United Nations bilang teroristang grupo sa Pilipinas, at hindi kasama ang CPP.

Parlade: LFS, Anakbayan OK lang

Bagama't gusto ipa-proscribe ng NTF-ELCAC ang mga aktibistang grupo na maka-Kaliwa, tiniyak naman niyang "okay lang" sumali sa mga ligal na aktibistang grupo.

"It's okay to be a member of [League of Filipino Students], member of Anakbayan, Kabataan [party-list]. But be careful with this Kabataang Makabayan because they are the terrorist organization running these youth organizations," dagdag pa niya.

Idinikit din niya ang Gabriela sa "Makibaka" (Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan), at sinabing sila talaga ang nagpapatakbo ng nasabing ligal na organisasyon.

Ang Kabataang Makabayan at Makibaka ay parehong member organizations ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), isang organisasyon na lihim ngunit hindi rin iligal sa ilalim ng anumang batas, ngunit naniniwala sa armadong rebolusyon.

Gayunpaman, iligal na at maaari nang sampahan ng kasong "rebelyon" ang mga miyembro ng NPA dahil sa pagtangan ng armas laban sa gobyerno.

Kritisismo sa red-tagging ni Parlade

Kamakailan lang nang banatan ng ilang party-list groups, abogado ni Liza Soberano at kanyang talent manager na ginagawang "red-tagging" diumano ni Parlade dahil lamang sa pakikipagtrabaho sa nasabing activist group.

"By saying that Soberano is 'not yet an NPA,' [Parlade] is maliciously associating the actress with the armed movement when what she did in the [Gabriela] youth forum was to only speak up for all the victims of gender-based violence and abuse," wika ni Gabriela Rep. Arlene Brosas nitong Miyerkules.

Pinagpugayan naman ni Bayan Muna Rep. Carloz Zarate ang aktres dahil sa kanyang pagiging matapang na pagtindig sa kapanakanan ng mga kababaihan, sa gitna ng mga natatanggap na atake.

Ayon naman kay Juanito Lim, legal counsel ni Soberano, kasuklam suklam ang natanggap na red-tagging na natanggap ng kanyang kliyente matapos ang mga pahayag ni Parlade.

"We denounce in the strongest terms the 'red-tagging of our client, Ms. Liza Soberano, in some social media platforms. Expressing her love and respect for women and children is her personal advocacy," ani Lim.

Giit niya, nananatiling "apolitical" ang artista at hindi sumusuporta o direktang tumutuligsa sa pananaw sa pulitika ninuman.

Dagdag pa ng abogado, mahalaga ngayon ang respeto sa iba, bagay na ginagawa raw ng aktres simula pa noon.

ACTIVISM

ANTONIO PARLADE

COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES

GABRIELA

LIZA SOBERANO

MAKABAYAN BLOC

NEW PEOPLE'S ARMY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with