MANILA, Philippines — Kumikita ng multi-milyon sa mga nakalipas na taon ang ilang empleyado ng Bureau of Immigration (BI) kabilang dito ang isang may item na security guard na ang halaga ng ‘net worth’ ay P10 milyon.
Sa lifestyle check na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI), natuklasan na ang isang empleyado na may salary grade na P32,000 kada buwan ay may net worth na P27.9 milyon. Kabilang dito ang sari-saring mga pag-aaring condominium units at mamahaling sasakyan.
Isang ‘chief of staff’ naman na may item na ‘security guard’ at may suweldong higit sa P14,000 lamang kada buwan ang may net worth naman na higit P10 milyon. May net worth lamang siya na kulang P4 milyon noong 2015 na biglang lumobo kasabay ng pagdagsa ng POGO sa bansa.
Dahil dito, plano ng NBI na ipatawag muli ang mga empleyado ng BI na dawit sa ‘Pastillas Scam’ upang isailalim muli sa imbestigasyon.
Partikular na uungkatin ang isang video footage ng pulong ng mga senior officials at ilang empleyado ng BI. Makikita na magkakasunod sila na lumabas ng parking area sakay ng magagarang mga ‘luxury at sports cars’ na milyun-milyon ang halaga.
Napansin din ng NBI sa kanilang travel records ang halos buwan-buwan ang out of town trips ng ilan sa kanila.
Sinabi ni NBI Special Action Unit head Emeterio Dongallo na kailangang maipaliwanag ng mga tauhan ng BI kung saan nagmula ang kanilang ari-arian dahil sa hindi ito nagtutugma sa tinatanggap nilang suweldo.
Iginiit naman ni BI spokesperson Dana San-doval na inaayos na nila ang kanilang sistema para sa ‘lifestyle check’ sa mga tauhan at nagsagawa ng mga pagbabago sa kanilang ‘board of discipline’.