'Pepito' nagdulot ng P121.7-M pinsala; agrikultura pinakawasak

Litrato ng matinding pagbaha sa Maharlika Highway sa Lopez, Quezon dulot ng Severe Tropical Storm Pepito
Released/RDRRMC CALABARZON

MANILA, Philippines — Malaking pinsala ang iiwan ng Severe Tropical Storm Pepito habang patuloy na nasa proseso ng paglabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Martes, lumalabas na umabot na sa P121,697,633 ang damage na idinulot ng sama ng panahon:

  • Agrikultura (P92,457,633.18)
  • Imprastruktura (P29,240,000)

Ang mga nasabing pigura ay sinasabing pinagsama-samang pinsala na naidulotr ng bagyo mula sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Central Luzon at CALABARZON.

"[M]ostly coming from school facilities [ang napinsala sa imprastruktura]," paliwanag ni Mark Timbal, tagapagsalita ng NDRRMC sa media.

Ayon sa huling ulat ng PAGASA, namataan ang bagyong "Pepito" 380 kilometro kanluran ng Dagupan, Pangasinan kaninang 4:00 a.m, bagay na magdadala pa rin ng pag-ulan sa western section ng Luzon.

Tinatayang makalalabas ito ng PAR ngayong umaga o hapon.

Higit 25,000 apektado

Ayon pa kay Timbal, umabot na sa 5,555 pamilya ang direktang naapektuhan ng sama ng panahon, bagay na katumbas ng 25,268 indibidwal.

"[S]o far po, no casualties pa rin po tayo or missing [persons po]," sambit ng NDRRMC official.

"89 evacuation centers were used across Regions 2, 3 and CALABARZON."

Kaugnay niyan, nasa 16,323 indibidwal na ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers — bagay na katumbas ng 3,639 pamilya.

Bagama't palabas na ng Pilipinas, pinag-iingat naman ng PAGASA ang lahat sa patuloy na magiging epekto ng mga pag-ulan sa bansa kaugnay ng ng severe tropical storm.

Maliban kay "Pepito," binabantayan naman ngayon ang dalawa pang sama ng panahon na nasa silangan ng Pilipinas.

Natagpuan ang isang tropical depression 1,870 kilometro silangan hilagangsilangan ng dulong hilaga ng Luzon, bagay na nagdadala ng lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras at bugsong 55 kilometro kada oras.

Gayunpaman, hindi inaasahan na papasok ito sa PAR.

Meron namang low pressure area (LPA) 1,660 kilometro silangan ng Mindanao.

"Patuloy po tayong magmo-monitor sa low pressure area na ito dahil posibleng pumasok ito ng PAR at maging tropical cyclone," ani Ezra Bulquerin, weather specialist ng PAGASA. — James Relativo

Show comments