P4.6 bilyong cash assistance ipapamahagi sa mga magsasaka – Villar
MANILA, Philippines — Iinihayag ni Sen. Cynthia Villar na aabot sa P4.6 bilyong cash assistance ang ipamamahagi sa 1.1 milyong magsasaka upang mabawasan ang kanilang paghihirap dulot ng pandemya at sa bumababang presyo ng palay.
Pinangunahan ni Villar, chairperson ng Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, ang pagdinig noong Biyernes sa Senate Joint Resolution No. 12 na nag-aawtorisa sa paggamit ng sobrang koleksiyon ng Bureau of Customs (BOC) sa rice importation noong 2020 bilang cash assistance sa magsasaka na may bukid na isang ektarya pababa.
“According to a preliminary report from BOC, from January to September 2020, they have already collected P13.6 billion, may excess na P3.6 billion. May natira pa na sobrang collection noong 2019,” pahayag ni Villar.
“So together we want that money to be included in the General Appropriations Act and use that as cash assistance to rice farmers,” dagdag pa nito.
Ayon kay Villar, hinihiling din niya sa Department of Agriculture (DA) na ire-direct sa cash assistance fund ang P1 bilyon sa crop diversification program upang mas maraming pera ang maipamahagi sa mga magsasaka na P4.6 bilyon ang buong halaga.
Inakda ni Villar ang resolusyon para sa agarang pagpapatupad ng probisyon sa Republic Act 11203 o ang rice tariffication law.
Nakasaad sa batas na lahat ng sobra sa P10 bilyong importation dues ay ilalaan sa pinansiyal na tulong sa mga magsasaka, sa pagpapatitulo sa agricultural rice lands, expanded crop insurance program sa bigas o sa crop diversification program.
“Sa tingin ko mas maganda na ibigay na lang sa rice farmers kaysa ilagay pa sa programa. Marami namang programa ang DA. Mas kailangan ng farmers ang pera ngayon so they can spend for their immediate needs especially in this time of pandemic,” ayon kay Villar.
- Latest