‘Unahin ang manggagawang Pinoy’
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na unahin ang pagkuha ng mga manggagawang Pilipino kaysa sa mga dayuhan sa mga proyekto ng pamahalaan upang matugunan ang mataas na bilang ng walang trabaho sa bansa.
Ginawa ni Pangilinan ang panawagan kasunod ng pahayag ng DPWH sa pagdinig ng budget nito na nasa 30-45 porsiyento ng manggagawa sa ilang proyekto ng gobyerno ay pawang mga Tsino.
Ayon kay Pangilinan, dapat mga Pilipinong manggagawa ang nakikinabang sa malaking pondo ng DPWH para sa mga imprastraktura, lalo ngayong maraming Pilipino ang walang trabaho dahil sa pandemya.
Sa huling survey ng Social Weather Stations noong Setyembre, sinabi ni Pangilinan na pumalo ang unemployment rate sa 39.5 porsiyento o katumbas ng 23.7 milyong Pilipino.
Kasabay nito, nanawagan din si Pangilinan kay DPWH Secretary Mark Villar na bigyang prayoridad ang mga lokal na materyales sa mga proyekto ng pamahalalan upang makatulong sa muling pagbuhay ng sektor ng manufacturing sa bansa.
Nangako naman si Villar na susundin ang panawagan ni Pangilinan, basta’t pasado ang mga lokal na produkto sa mga itinakdang panuntunan.
“I agree completely that we need to help our local industries as they create local jobs. You have my assurance that we will support this cause,” wika ni Villar.
- Latest