^

Bansa

100% operasyon ng jeep, bus pinaplantsa na — LTFRB

James Relativo - Philstar.com
100% operasyon ng jeep, bus pinaplantsa na — LTFRB
Hiwa-hiwalay habang nakasakay sa loob ng jeep na ito sa Tandang Sora jeepney terminal sa Lungsod ng Quezon ang mga pasaherong ito habang bumabiyahe sa gitna ng COVID-19 pandemic, ika-15 ng Setyembre, 2020
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Sinisiguro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palapit na nang palapit ang "full operation" ng mga pampasaherong jeep at bus sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, bagay na lubhang limitado pa rin hanggang sa ngayon.

Ito ang tugon ni LTFRB chairperson Martin Delgra nang tanungin ng media kung may plano na ang gobyernong makapasada nang buong-buo ang mga public utility vehicles (PUVs) habang dahan-dahang nagbubukas ang ekonomiya.

"Yes po [papunta na riyan]. Alinsunod na rin sa direktiba ng Gabinete at presidente, 'yun na po ang ginagawa natin sa ngayon," sambit ni LTFRB 

"Umabot na po tayo sa mga... 68-69% of our (PUVs) dito sa Metro Manila po."

Basahin: LTFRB: 44 new PUJ routes, 4,820 more jeepneys on Metro Manila streets

Sa kabila nito, ayaw pang magbigay ng depinidong petsa ni Delgra kung kailan ito maisasakatuparan.

Gayunpaman, mas mabilis naman daw na maaaprubahan ang mga biyahe ng mga "non-route based" transportation lalo na't wala naman daw rutang dapat i-review, aprubahan o i-modify.

"We would be able to see a significant increase perhaps in the next two to three weeks, but definitely December would be too far off already insofar as the timeline is concerned," ayon sa kay Delgra.

Sa kabila ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte Gabinete, kinakailangan pa rin naman daw na tiyakin muna ang "roadworthyness" ng mga tradisyunal na jeepney bago makabalik-serbisyo. Aniya, maaari raw kasing sa polusyon o aksidente pa mamatay ang mga pasahero at hindi sa COVID-19.

Kahit pinayagan naman na raw pumasada ang ilan, nagdadalawang-isip pa raw ang ilan na bumalik-kalsada dahil sa kawalang-kasiguruhan ng kita at takot sa COVID-19.

Bilang tugon, handa naman daw ang LTFRB na mag-roll out ng PUV subsidies mula Oktubre hanggang Disyembre sa ilalim ng Bayanihan 2.

Marami pa ring tsuper ng jeep ang namamalimos ngayon sa mga lansangan ng Quezon City, Maynila atbp. lalo na't limitado pa ang bilang ruta, units at pasaherong maaaring isakay sa ngayon.

Nangyayari ang lahat ng 'yan kasabay ng historic 17.7% unemployment rate nitong Abril bunsod ng mga lockdown, bagay na sinasabi ng ilan na pinakamataas na kawalang-trabaho sa kasaysayan ng Pilipinas.

Davao papuntang Metro Manila

Samantala, ibinahagi rin ng LTFRB ang plano nitong magdagdag pa ng mga ruta mula at papunta probinsya — bagay na nangangailangan daw ng masusing pakikipag-ugnayan sa local government units (LGUs).

"[I]n fact... magpapalabas na po tayo din ng this week ng another set of inter-regional [bus] routes going into Metro Manila coming all the way from Davao City," sambit pa ni Delgra.

"Pinayagan na rin po ni Mayor Sara, ang pagbubukas ng Davao City by way of land trips from Davao City to Metro Manila."

"[K]ung meron pong mga kaso ng COVID-19 doon sa mga bumabiyahe na pasahero, the ultimate responsibility would rest with the LGU for that matter.

Maliban pa riyan, naibukas na rin daw ang ruta mula Mabalacat, Pampanga sa ngayon.

Sa pamamagitan din daw ng kanilang pakikipagtulungan sa mga LGU, masisiguro na hindi na kakalat pa ang COVID-19 sa mga public transportation lalo na't magiging responsibilidad daw ito ng mga lokal na pamahalaan.

Kasalukuyang nasa 348,698 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa huling taya ng Department of Health (DOH), Huwebes. Sa bilang na 'yan, 6,497 na ang namamatay dito.

BUS

JEEPNEY

LTFRB

MARTIN DELGRA

NOVEL CORONAVIRUS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with