Pulitika itigil, budget unahin! - Duterte
MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na itigil muna ang pamumulitika at ipasa ang panukalang 2021 national budget.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na inaasahan ng Pangulo na magsasagawa ng special session ang Kamara mula Oktubre 13-16 para muling magsagawa ng deliberasyon sa panukalang P4.5 trillion national budget.
“Itigil muna po ang pulitika diyan sa mababang kapulungan para maipasa ang proposed budget ng 2021 na binuo po ng administrasyon para labanan ang COVID-19,” ito umano ang sinabi ng Pangulo ayon kay Roque.
Nilinaw rin ni Roque na hindi manghihimasok at hindi makikialam ang Presidente sa nangyayaring agawan ng pwesto sa speakership.
Tila binalewala naman umano ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at ng kampo nito ang panawagan ni Pangulong Durterte na ‘wag gamitin ang pangalan nito sa pamumulitika.
Sa isang online presscon na ginanap kahapon, isiniwalat ni Deputy Speaker Lray Villafuerte ang dalawang text messages mula sa mga kaalyado ni Velasco na sina Congresswoman Kristine Singson-Meehan at Cong. Mikee Romero na nagpapahiwatig ng patuloy na pamumulitika at pagtututok ng kabilang kampo sa pagpapalit ng liderato sa Kamara.
Ayon kay Villafuerte, mas prayoridad ng kampo ni Velasco ang pamumulitika upang maiupo bilang Speaker ng kamara.
Sa isang text message na pinadala umano sa mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC), sinabi ni Singson-Meehan na ang agenda ang kanilang pagpupulong sa Lunes ay ang “HOR Plenary” at “Leadership Change”.
Ani Villafuerte, nabulgar ang balak ng kampo ni Velasco na sa halip unahin ang pagpasa ng 2021 National Budget na siyang layunin ng ipinatawag na Special Session ng Palasyo, mas binigyang diin nila ang pagtatangka na agawin ang liderato ng Kamara ngayong Linggo.
Ayon sa pinakitang text message, binanggit na ang pamilyang Duterte ay nagkakaisa sa kanilang paniniwala na dapat sundin ang gentleman’s agreement at sinusuportahan ni Mayor Sara Duterte si Cong. Velasco para sa pagiging Speaker.
“Ang pagpapakalat ng mga ganitong text messages ay taliwas sa gusto ng Pangulo na magkaisa ang Kongreso para sa mabilis na pagpasa ng 2021 budget,” paalala ni Cong. Elipidio Barzaga.
Una ng ginamit ni Velasco ang pangalan ni PRRD nang ipakalat nito sa media ang mga katagang “It’s your time to shine sa ilalim ng term sharing.” Sinabi rin ng kampo ni Velasco na pumapabor sa kanya si Deputy Speaker Paolo Duterte sa speakership issue.
Nagkaisa naman ang mga kongresista mula sa mayorya na mula sa iba’t ibang partido na bibigyan nila ng prayoridad ang pagpapasa ng 2021 budget bago pag-usapan ang politika.
Related video:
- Latest