Pagbabahay-bahay para sa national ID arangkada na ngayon

Nasa 5 milyong Pilipino mula sa unang 32 probinsiya ang target ng PSA na maparehistro ngayong 2020.
STAR/File

MANILA, Philippines — Simula ngayong Lunes, mismong mga tauhan ng Philippine Statistics Authority ang magbabahay-bahay para sa pre-registration sa national ID system.

Nasa 5 milyong Pilipino mula sa unang 32 probinsiya ang target ng PSA na maparehistro ngayong 2020.

Ito ang mga probinsiya ng mga itinuturing na low-income households na nasa listahan ng Department of Social Welfare and Development at may mababang aktibong kaso ng COVID-19.

“’Yong tinatawag na mass registration, hindi pa po mangyayari. Next year pa po iyon,” sabi ni PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista.

“Hindi pa nila kailangang maghanda ng documents. Pero tatanungin po sila kung ano ang documents na mayroon sila,” dagdag niya.

Sa unang step, kukuhanin ang demographic data ng indibiduwal, gaya ng pangalan, date at place of birth, blood type, marital status, permanent at present address, at iba pa.

Sa ikalawang step, kailangan na lang pumunta ng indibiduwal sa designated registration center para sa biometrics. Magsisimula ito sa Nobyembre 25.

Bagaman hindi mandatory, hinihikayat ng PSA ang publiko na kumuha ng national ID dahil makatutulong umano ito sa mga transaksiyon sa pribado at pampublikong sektor.

“Libre po ito. Gastos lahat ng gobyerno,” paliwanag ni Bautista.

Bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022, target ng PSA na makapagparehistro ang nasa 90 milyon Pilipino sa national ID system.

Show comments