MANILA, Philippines — Sa gitna ng bangayan sa Kamara sa usapin ng House Speakership, nagkita at nagpulong sina Presidential Daughter at Davao Mayor Sara Duterte at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa bahay ng una sa Davao City.
Tumanggi naman si Mayor Duterte na magkomento sa nangyaring pulong noong Biyernes. Si Mayor Duterte ang nag-endorso kay Velaso bilang speaker noong isang taon.
“Mayor Sara Duterte has endorsed Cong. Lord Velasco as the next Speaker of the House of Representatives anytime this week but without interruption on the budget deliberation,” sabi ni Oriental Mindoro Representative Salvador Leachon, na kaalyado ni Velasco.
Nakatakdang pumalit si Velasco kay House Speaker Alan Peter Cayetano sa Oktubre 14, bagama’t napigilan ito matapos magsuspinde ang huli ng sesyon sa plenaryo mula Oktubre 7 hanggang Nobyembre 16.
Noong Biyernes, mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos sa Kongreso na magsagawa ng apat na araw na special session mula Oktubre 13-16, kung saan posibleng maging dahilan para makaupo si Velasco bilang bagong House Speaker.
Sinabi naman ni PDP-Laban Executive Director Ron Munsayac na marami ang nakasuporta kay Velasco upang maging House Speaker.
Ani Munsayac, hindi nawawala ang suporta ng buong PDP-Laban sa Gentleman’s agreement.