Indonesian suicide bomber, 2 pa timbog!
MANILA, Philippines — Bumagsak sa mga elemento ng Joint Task Force (JTF) Sulu ang isang babaeng Indonesian suicide bomber kasama ang dalawang iba pa sa isinagawang pagsisilbi ng search warrant sa pinagkukutaan ng mga suspek sa Sitio Kuppong, Barangay San Raymundo, Jolo, Sulu kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nahuli na sina Rezky Fantasya Rullie, a.k.a Cici, na isang Indonesian national at ang mga kasama nitong mga Pinay na sina Nur-Aina Alihasan alyas Inda Nhur at Fatima Sandra Jimlani.
Sa ulat na nakarating kay Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., Commander ng Western Mindanao Command, nahuli ang tatlo sa bahay ng isang local terrorist group sub-leader na si Ben Quirino Yadah, a.k.a, Ben Tatoo.
Nasamsam ng mga operatiba ang ilang sangkap sa pampasabog kagaya ng improvised explosive device (IED) vest rigged na may dalawang pipe bombs at iba pa.
Ang tatlo ay nasa kustodiya ngayon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) hinggil sa kasong isasampa laban sa kanya.
Ayon kay Brig. Gen. William Gonzales, ang pinuno ng Joint Task Force Sulu na matagal na nilang minamanmanan ang babaeng Indonesian bomber matapos ang nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo noong Agosto 24.
Si Rullie ay pangunahin sa kanilang mga listahan na magsasagawa umano ng mga pambobomba matapos na mapatay ang kanyang mister na si Andi Baso, isang Indonesian foreign terrorist sa engkwentro ng mga ranger battalion noong Agosto 29, 2020.
- Latest