MANILA, Philippines — Uumpisahan na ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna sa 2.4 milyong bata sa Pilipinas laban sa tigdas, rubella at polio sa darating na Oktubre 26 upang mapigilan ang posibleng measles outbreak sa 2021.
Ayon sa DOH, bibigyan ng ‘Measles-Rubella vaccine’ ang mga batang may edad mula 9-59 buwang gulang habang bibigyan ng ‘oral Polio vaccine’ ang mga batang may edad 0-59 buwang gulang.
Ang mga edad lima pababa ang delikado sa tigdas na isa sa pinaka-nakahahawang sakit sa mundo.
Ang batang mahahawahan nito ay daranas ng mataas na lagnat, rashes, ubo, impeksyon sa mata na maaaring magdulot ng mas malalang kumplikasyon tulad ng pulmonya, impeksyon sa tainga, pagkabulag, diarrhea at pamamaga ng utak.
Ang polio naman na una nang napahinto sa Pilipinas ay muling nagbabalik makaraan na may ilang bata ang muling dinapuan nito.
Iginiit ng DOH na ligtas, libre at epektibo ang mga bakuna at walang dapat ikatakot ang mga magulang.