MANILA, Philippines — Hinikayat ng mga food producers ng bansa sa pamahalaan ang isang matibay at malawak na kooperasyon sa pagitan ng mga sektor ng agrikultura at food manufacturing upang matiyak ang produksiyon at suplay ng pagkain ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya.
Ito ay giniit ng mga food producers nang pag-usapan ng agricultural stakeholders at policymakers ang mga problema sa food supply chain ng Pilipinas at ang mga solusyon dito sa gitna ng krisis sa COVID-19 dahil maraming manggagawa sa sektor ng agrikultura ang nahihirapan ngayon.
Sinabi ni Prof. Dindo Manhit, presidente ng Stratbase ADR Institute na kailangang paunlarin pa at hindi na dapat naaantala ang ikot ng agrikultura upang matiyak ang tuluy-tuloy na daloy ng pagkain at palaging may access dito ang mamamayan.
Anya, lubhang apektado hindi lang ang suplay ng pagkain ng bansa kundi pati ang ilang milyong magsasaka, mangingisda, at manggagawa ng maliliit na negosyo dahil sa mga restriksiyon sa transportasyon at limitadong galaw ng mga tao dahil sa lockdown measures at takot sa panganib ng virus.
Ayon kay Philippine Association of Feed Mil-lers Inc. president Nikki Sarmiento-Garcia na ang walang patid na pagpapatupad ng mga programa at patuloy na pagsuporta ng Department of Agriculture (DA) ang higit na kailangan sa ngayon ng sektor ng agrikultura.
Nanawagan din si Rex Agarrado ng Philippine Association of Meat Processors na isang institusyon ang pagbibigay ng accreditations sa foreign meat establishments upang hindi bahain ang merkado ng karneng galing sa ibang bansa at maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magkakarne.