ACT-CIS kebs sa Chinese construction sa West Philippine Sea, natawag na 'ignorante'

Litrato ni ACT-CIS Rep. Eric Yap (kaliwa) at kuha ng construction activities Fiery Cross Reef (kanan) noong 2017, bagay na inaangkin ng Pilipinas

MANILA, Philippines — "Ignorante sa batas soberanya" at "nananaginip" — ganyan isinalarawan ng mga militanteng mangingisda ang mga pahayag ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap hinggil sa pagtatayo ng istruktura ng Tsina sa mga katubigang in-award na sa Pilipinas.

Kahapon kasi nang sabihin ni Yap na "hindi dapat matakot" ang Pilipinas sa konstruksyon ng Tsina sa inaagaw nilang West Philippine Sea sa dahilang "mababawi" naman ito ng Maynila balang araw.

"'[W]ag tayong matakot kung magtayo sila ng structure dahil bandang huli, pag na-enforce natin ang ating karapatan, dumating na ang day of reckoning, ay 'yung mga structure na 'yun ay mapupunta rin naman satin," ani Yap sa gitna ng deliberasyon ng Kamara sa 2021 budget ng Office of the President.

Una nang sinabi ng report ng Pentagon sa United States Congress na merong pitong Chinese military outposts sa Kalayaan group of Islands ang Beijing, kahit na parte ito ng teritoryo ng Pilipinas.

Kinastigo tuloy ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang mga pahayag ni Yap, lalo na't tila pagmamaliit daw ito sa okupasyon ng Asian giant sa sovereign rights na ipinagkaloob ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Pilipinas noong 2016.

"This is just extremely unbecoming of a legislator to undermine our sovereign and territorial rights," ani Hicap ngayong Martes, na dati ring mambabatas sa ilalimng Anakpawis party-list.

"Rep. Yap should be ashamed of himself for setting aside a pressing national issue that involves our sovereignty and territorial integrity."

Nabansagan tuloy ang bagitong mambabatas na "walang alam" pagdating sa sitwasyon ng mga Pilipinong mangingisda na direktang hina-harass ng mga Tsino sa Philippine Waters.

Basahin: DND: Barkong Pinoy nabangga ng mga Tsino sa West Phl Sea, lubog

May kaugnayan: 14 Pinoy pinaghahanap sa laot matapos mabangga ng Hong Kong vessel

"Nothing to be afraid of with China’s massive reclamation and exploitation of our territorial waters? Tell that to the Filipino fishers whose fishing activities have been adversely affected by the presence of Chinese personnel and vessels in our own traditional fishing grounds," dagdag ng PAMALAKAYA leader.

"Inspire the F/B Gem-Ver 22 to quench the fear after being rammed by a Chinese vessel and left at the mercy of the elements."

Aniya, habang nag-iilusyon ng "day of reckoning" si Yap ay sinasakop ng Tsina ang ilang katubigan at bahura sa West Philippine Sea, habang tinatransporma ito para maging military outpost.

Nitong Marso 2020 lang, matatandaang naglunsad ng research stations sa Fiery Cross (Kagitingan) at Subi Reef sa Spratly Islands ang Chinese Academy of Sciences, kahit na inaangkin 'yon ng Pilipinas.

Bahagi ang Fiery Cross at Subu Reef sa "big three" militarized islands ng Beijing sa Spratlys, bagay na tinatransporma na bilang fortified airbase simula pa noong 2017.

Basahin: With world busy fighting coronavirus, China quietly builds installations on Philippine-claimed reefs

"Day of reckoning has to start somewhere and sometime; what better place than here, what better time than now? And it should be a result of an active and decisive assertion by the Filipino people and the Philippine government," panapos ni Hicap.

'Diplomatiko lang si Duterte'

Depensa naman ni Yap kahapon, hindi naman binibitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang claims ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Gayunpaman, nag-iingat lang daw ang presidente na tahakin ang "diplomatikong pamamaraan" pagdating sa iringan sa dagat.

"[A]ng sinasabi ng ating presidente, hindi tayo pwede makipag-gyera ngayon pero hindi ibig sabihin nito, isinusuko natin ang ating karapatan. Maraming paraan upang ipaglaban natin ang ating lupa, ang ating claims," pagtatanggol pa ni Yap kay Duterte, na dinidinig ang budget.

"Ang ating bansa ay nakakaharap sa COVID-19 pandemic so ang importante ngayon ay magkaroon tayo ng magandang diplomatic relationship upang sa ganon, kung magkaroon ng vaccine ang China at ang kapitbahay nating bansa, ay isa tayo sa priority na mabigyan."

Aniya, kilala naman niya si Duterte at alam daw niya kung kailan tatahimik at kailan makikipaglaban. Sadyang may "strategy" lang daw ang presidente na hindi pa maaaring i-disclose.

Napilitang sumagot si Yap hinggil sa isyu matapos gisahin ni Gabriela Women's party-list Rep. Arlene Brosas, lalo na't kinakailangan na raw nang mas maigting na aksyon sa mga maniobra ng Tsina. — James Relativo

Show comments