Hamon ng pandemya, napagtagumpayan sa pagbubukas ng klase - DepEd
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na ang pagbubukas ng School Year 2020-2021 sa bansa nitong Lunes, ay pagpapakita ng tagumpay laban sa hamon na dala ng mapanirang pandemya ng COVID-19.
“Let the classes begin!” deklara ni Briones, nang pangunahan ang pormal na pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan.
Tiniyak pa niya na hindi hahayaan ng DepEd na sirain ng pandemya ang edukasyon at kinabukasan ng mga kabataang Filipino.
Pinasalamatan din ni Briones ang lahat ng mga taong tumulong upang maisakatuparan ang pagpapatupad ng blended learning, partikular na ang mga guro na masigasig na tinapos sa tamang panahon ang modules at ipinamahagi sa mga mag-aaral.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte sa buong pagsuporta nito sa programang inilatag ng DepEd upang maisulong ang pagbubukas ng klase, gayundin sa mga mambabatas sa Senado at Kamara.
Nabatid na nasa 24.7 milyong estudyante sa pribado at pampublikong paaralan ang nagbalik-eskwela ngayong school year na ito o 89% lamang ng enrollment noong SY 2019-2020.
Nasa halos tatlong 3 milyong estudyante ang hindi pa rin nakakapagpatala at mayroon ding 398,000 estudyante mula sa pribadong paaralan ang lumipat sa mga public schools matapos maapektuhan ng pandemic ang kanilang mga kabuhayan.
- Latest