Vacation time!: Palasyo hinikayat ang lahat sa 'COVID-free' Boracay
MANILA, Philippines — Bilang parte ng pagsusumikap ng gobyerno na buhayin ang ekonomiyang napinsala ng coronavirus disease (COVID-19) lockdowns, nag-iba ang tono ng Malacañang at hayagan nang hinihikayat ang mga turistang dagsain ang isla ng Boracay.
Ito ang inihayag ni presidential spokesperson Harry Roque sa kanyang press briefing mula sa mala-paraisong baybaying dagat.
"Panahon na po para tayo ay magbakasyon matapos ang napakatagal na lockdown... [N]aghihintay na po ang pinakamagandang beach sa mundo, ang Boracay," sabi ni Roque, Lunes.
"'Pag 'di tayo bumisita sa Boracay, ang mga eroplano ica-cancel [ang] flights... [M]araming negosyo malulugi at baka tuluyan magsara."
Bukas na sa ngayon ang tanyag na white sand beach para sa lahat simula pa noong ika-1 ng Oktubre, ngunit kinakailangan muna ng negatibong RT-PCR swab tests ang mga bibisita rito 48 hanggang 72 oras bago pumunta sa Boracay.
Ilang linggo na nang buksan ito, ngunit para lamang sa mga taga-Western Visayas.
"Bukas na po ang Boracay para sa mga turista... Kinakailangan lang po magrehistro sa webpage ng Aklan... at i-download ang health declaration form," dagdag pa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kanya pang pagbabahagi, sa tingin niya'y handa na rin ang islang tumanggap ng mga banyagang bisita. Gayunpaman, hindi alam ng Palasyo kung darating sila.
Karamihan kasi sa mga top foreign visitors ay mga Koreano, Tsino at Hapon. Gayunpaman, kailangan pa kasi nilang i-quarantine pag-uwi.
Samantala, agad naman daw ipag-aalam sa mga Aklanon kung makakabisita si Digong sa Boracay sa mga darating na panahon ngayong maaari na itong dayuhin.
Nangyayari ang renewed tourism push na ito ngayong sumampa na sa 324,762 ang COVID-19 cases sa Pilipinas, Lunes. Sa bilang na 'yan, patay na ang 5,840, sabi ng Department of Health (DOH).
May kaugnayan: Kaso ng COVID-19 sa bansa 324,762 na, nadagdagan ng 2,291
Posted by Philstar.com on Saturday, October 3, 2020
Ligtas sa COVID-19?
Pinahupa naman ni Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista ang pangamba ng marami hinggil sa hawaan ng COVID-19 sa kanilang isla. Aniya, ligtas na ligtas ito lalo na't sumusunod sa health protocols ang mga tao.
"Natatakot ba mga tao dito? Ang nangyari dito... for how many months... COVID-free ang Boracay," saad niya, kahit na may mga bumibisita.
Ganyan din naman ang sinabi ni Aklan Gov. Florencio Miraflores hinggil sa sitwasyon ng isla, na ngayo'y nag-ooffer ng hanggang 75% discount sa room rates.
"Walang dapat ikabahala ang mga turistang pumunta dito... Ang kailangan lang confidence...The fear of travel is still there... Dapat din tayo mabuhay sa time na ito ng COVID," dagdag ni Miraflores.
"Kung nagkaroon ng symptoms ang turista... we have all the medical facilities, kumpleto ating ospital, kumpleto ang ating COVID response dito sa Boracay."
Noong Huwebes, nasa 35 lang ang turistang bumisita sa isla, bagay na umakyat sa 47 sa ika-2 ng Oktubre. Umakyat pa ito sa 35 noong Sabado.
Inaasahan ng pamahalaang lalawigan na tataas pa ang tourist arrivals sa lugar sa mga susunod na araw.
Nasa 204 establisyamento ang kasalukuyang nag-ooperate sa Boracay. Nakatakda namang mag-operate ang nasa 365 certificates na inisyu naman ng lokal na pamahalaan. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero
- Latest