MANILA, Philippines — Tutol si Sen. Christopher “Bong” Go na buwagin o isapribado ang Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth).
Ayon kay Go, kapag nagkataon ay magiging negosyo na ang PhilHealth kapag naisapribado ito gayung ang layon naman ng gobyerno ay hindi para sa pagnenegosyo.
Giit ng senador, mas mabuti na bigyan muna ng pagkakataon si bagong PhilHealth President Dante Gierran na linisin ang nasabing tanggapan.
Inihayag ito ni Go matapos imungkahi na isapribado na ang PhilHealth dahil sa kaliwa’t kanang korapsyon, subalit maging si Pangulong Duterte umano ay tutol din sa pagsapribado nito.
Sa ngayon ang malinaw umano na utos ni Pangulong Duterte kay Gierran ay ipakulong ang dapat na makulong na nangurakot sa pondo ng PhilHealth.