MANILA, Philippines — Pinalagan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang umano’y ‘character assassination’ laban sa kaniya kasabay ng hamon sa kaniyang karibal na si Speaker Alan Peter Cayetano na tapusin ang deliberasyon sa P4.506 trilyong 2021 national budget at mag-resign sa puwesto sa Oktubre 14.
Sa kaniyang ipinost na video sa Facebook, sinabi ni Velasco na isa siyang tunay na lalaking maginoo, hindi tamad at hindi gutom sa kapangyarihan tulad ng pinalalabas ng kabilang panig.
“For the last month, the attacks have escalated to malign me and paint me as power-hungry and evil. But in spite of these, I have kept quiet as a true gentleman and statesman”, pahayag ni Velasco bilang pagrespeto na rin aniya kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinanggi rin ni Velasco na isa siyang coup plotter tulad ng sinabi ng kampo ni Cayetano at iginiit na hindi siya tumatalikod sa palabra de honor at naninindigan para sa katotohanan.
“Speaker Cayetano, you gave your word in front of the president to honor the term-sharing agreement...In the coming days and weeks and months, let us show the public that we, as your representatives, are still decent, honorable and trust-worthy leaders whose only agenda is to serve the people”, apela ni Velasco kay Cayetano.
Sabi pa ni Velasco, ang patuloy na pagkapit sa kapangyarihan ni Cayetano sa isyu ng deliberasyon ng 2021 national budget ay lubhang kahina-hinala.
“Ang mga tanong po kay Speaker Cayetano at sa kanyang barkada: budget ba ito para sa bayan or budget ng mga barkada mo? Makabuluhang budget ba ito sa gitna ng pandemya o malaking budget ba ito para sa grupo mo?, buwelta ni Velasco.
“Is this why Speaker Cayetano and his sidekicks are adamant and fiercely fighting the peaceful transition of House leadership? Is this why Speaker Cayetano is trying to blackmail President Duterte and hold the budget hostage if his term is not extended?”, dagdag pa nito.
Sa ilalim ng term sharing, si Cayetano ay mananatili sa puwesto ng 15 buwan o hanggang Oktubre habang hahalili si Velasco sa susunod na 21 buwan o hanggang Hunyo 2022.
Samantala, nagpahayag na rin ang Malacañang na hindi na ito makikialam pa sa isyu ng liderato sa Kamara.