MANILA, Philippines — Nagpositibo sa COVID-19 si US Pres. Donald Trump at kanyang misis na si First Lady Melania Trump.
Sa twitter post ni Trump, kinumpirma niya na positibo siya sa nasabing virus subalit maayos naman ang kanilang pakiramdam.
Sinabi ni Trump na sisimulan nilang mag-asawa ang quarantine sa loob ng kanilang bahay.
Si President Trump, 74, ay maituturing na high risk sa COVID-19 dahil na rin sa kanyang edad.
Ang resulta ay inilabas matapos na magpositibo din sa nasabing virus si Hope Hicks na top adviser ni Trump at trusted aide.
Base sa ulat, sa kabila ng regular na pagte-test kay Trump sa virus, ay patuloy pa rin ang pagdalo niya sa mga rally dahil sa nalalapit na eleksyon sa kanila sa Nobyembre 3.
Nauna na ring nakatanggap ng mga batikos si Trump dahil sa hindi pagsusuot ng face mask sa kabila ng mga paalala ng mga eksperto.