MANILA, Philippines — Haharangin ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang pisikal na pagdaraos ng Traslacion ng Mahal na Poong Nazareno hangga't wala pang bakuna kontra sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa isang pahayag, Biyernes, lalo na't malaking banta ito sa kalusugan ng publiko.
"Pwede naman tayong mag-Traslacion na nakikita ang [Poong Nazareno] sa paggamit ng teknolohiya[ng virtual]," ani Domagoso sa panayam ng ABS-CBN News.
"Wala kaming nais baguhin sa kultura, tradisyon, kostumbre. Kaligtasan niyo ang mahalaga sa amin."
Manila Mayor Isko Moreno said he will not allow the traditional "Traslacion" and other similar religious gatherings until such time that a COVID-19 vaccine is available. | @reygalupo pic.twitter.com/efMuYLNEbT
— The Philippine Star (@PhilippineStar) October 2, 2020
Milyun-milyon at walang social distancing ang mga dumadalo sa okasyon taun-taon para matunghayan ang Itim na Nazareno — na pinaniniwalaang nakakagaling sa sari-saring sakit.
Dahil diyan, napakaraming deboto na dumadagsa sa imahen kahit na maaari itong bisitahin buong taon sa Quiapo Church (Minor Basilica of the Black Nazarene).
Marami nang nasugatan at namatay dahil sa siksikan, init, pagod at stampede sa prusisyon, ngunit hindi pa rin nito napipigilan ang mga deboto.
Kanina, dinagsa rin ng mga deboto ng Nazareno ang Quiapo Church kasabay ng first Friday mass na inilunsad ngayong buwan. Kapansin-pansin na dikit-dikit at tila hindi alintana ng mga nagmisa ang COVID-19, kahit na nakasuot ng face mask at face shield.
Mga kuha sa mga deboto sa labas ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo, Maynila kasabay ng first Friday mass ngayong buwan. | via Reuters/Eloisa Lopez pic.twitter.com/b7bUTynXXe
— News5 (@News5PH) October 2, 2020
Ayon kay Fr. Douglas Badong, vicar ng Quiapo Church, ngayon pa lang ay pinag-aaralan na nila kung paano pa rin maidaraos nang ligtas ang kapistahan.
Kabilang sa mga kinokonsiderang panukala ay ikansela ang prusisyon sa Rizal Park na isinasagawa tuwing ika-9 ng Enero.
"Sa ngayon po ay talagang nag-uusap-usap na kami ng proposal sa procession committee na idudulog namin sa IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases)," sabi ni Badong.
"Kung papayagan ng IATF na following all the protocols, ‘yun ang gagawin namin. Pero naka-set na rin naman kami na posibleng wala talagang Luneta event ngayon." — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Rey Galupo at News5