Mahigit 200,000 iskolar nanganganib sa 2021 budget cuts ng TESDA

Kuha ng mga manggagawang nagtratrabaho gamit ang technical-vocational skills
Philstar.com, File

MANILA, Philippines — Mahigit-kumulang 200,000 scholarships mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang maaaring mawala para sa susunonod na taon kung masusunod ang panukalang budget para sa 2021.

Ito ang ibinunyag ni Makati Rep. Luis Campos Jr, vice chairperson ng House Committee on Appropriations at sponsor ng TESDA budget, matapos tanungin ni Kabataan Rep. Sarah Elago sa pagdinig ng Kamara nitong Martes.

Nasa P11.11-bilyong scholarship budget ang orihinal na inihain para sa ahensya, ngunit nasa P5 bilyon lang daw ang inaprubahan — wala pa sa kalahati.

"Approximately, ang maapektuhan po ay nasa over 200,000 individuals na hindi makakatanggap ng tamang scholarship for training program," paglalahad ni Campos.
 
"[This is happening while we] are looking at a target recipient base of approximately 300,000."

Kasabay din ito ng lagpas P12-bilyong budget cuts sa Department of Science and Technology (DOST), na siya rin pinagkukunan ng scholarships nang marami.

Pangamba tuloy nina Elago, ma-aapektuhan nito ang efforts ng gobyerno na mapababa ang unemployment sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, lalo na't mahalaga ang "skills" para matanggap sa trabaho ang mga low-income workers.

Ika-3 ng Setyembre nang iulat ng Philippine Statistics Authority na umabot sa 4.6 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Hulyo habang matapos humupa nang bahagya ang disempleyo mula sa record-high na 17.7% noong Abril dahil sa epekto ng mga lockdown.

Basahin: Philippines jobless rate eases, but Metro Manila left behind

May kaugnayan: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19

Pinakamababa rin ang enrolment at graduation ng TESDA para sa taong ito, gayong 4,000 lang ang pumasok at tanging 403 lang ang nagtapos — malaking pagbagsak mula sa mga datos noong 2019 kung saan 66,000 ang nag-enrol at 42,500 ang grumadweyt.

"If TESDA will want to boost their enrollment numbers in the coming years, the funds needed for scholarship grants will be indispensable," sambit ni Elago sa isang pahayag, Miyerkules.

"This is also in the context of continued privatization of technical and vocational training institutes.

Lumalabas na nasa 4,004 technical-vocational institutes ang pinagmamay-arian ngayon ng pribadong sektor habang 404 lang dito ang hawak ng gobyerno.

Panawagan tuloy ngayon ng Kabataan party-list, tigilan ng budget cuts para sa edukasyon ngayong nasa gitna ng pandemya at magpatupad ng mga programang makakatutugon sa problema ng kawalang-trabaho. Maaari rin naman daw ilipat sa serbisyong panlipunan ang mga pondong nais ilaan ng gobyerno sa "militaristang" approach nito sa COVID-19 para mas maayos na maharap ang mga naturang isyu.

Dalawang linggo pa lang ang nakalilipas nang unang isiwalat nina Elago na aabot sa 19 state universities and colleges (SUCs) ang planong tapyasan ng budget para sa 2021 kahit na tumaas ang pondo ng Commission on Higher Education (CHED) kung numero lang ang titignan. — James Relativo

Show comments