FDA nagbabala sa motorista
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Food and Drugs Authority (FDA) sa mga motorista laban sa pag-iimbak ng mga bote ng alkohol sa loob ng kanilang sasakyan makaraan ang isang aksidente ng pagsabog nito na nag-viral sa social media.
Sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na lahat ng alkohol ay maaaring magliyab lalo na sa mga kundisyon sa loob ng sasakyan.
Ipinaalala niya na ang mga bote ng alkohol ay may nakalagay na label nito na gabay na kailangang laging mahigpit ang pagkakasara nito at iimbak sa temperatura na hindi hihigit sa 30 degree Celsius.
Sa viral post, kita ang litrato ng isang sedan na wasak ang salamin, nasira ang interior at upuan at isang wasak na bote ng alkohol ang nasa loob ng sasakyan.
Mula nang mag-umpisa ang pandemya sa kaagahan ng taon, marami nang tao ang nag-imbak ng mga alkohol dahil sa isa ito sa pangunahing panlaban sa virus. Marami rin ang mga motorista na naglalagay ng alkohol sa loob ng kanilang behikulo na nakakalimutan nang tanggalin sa loob ng sasakyan.