MANILA, Philippines — Sa gitna ng COVID-19 pandemic, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na magtayo na ng mga ligtas, maayos at kumpleto sa gamit na evacuation centers, partikular sa mga lugar na madalas tamaan ng natural na kalamidad.
Ayon kay Go, dapat ay maayos ding nakadisenyo o nakahanda ang evac center laban sa pag-iwas ng hawahan ng mga sakit, lalo ngayong patuloy ang health crisis.
Naghain si Go ng Senate Bill 1228 o ang “Mandatory Evacuation Center Act” na nag-aatas sa mga kinauukulan na magtakda ng guidelines at health protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa evacuation centers.
Layon ng bill na mag-estabilisa ng mga ligtas na permanenteng evacuation centers na nakatalaga sa mga residente ng bawat siyudad, munisipalidad at bayan saan mang sulok ng bansa.
Sa naturang evac centers, dapat ay kumpleto na ito sa mga gamit, gamot at pagkain na kakailanganin ng disaster victims, gaya ng mga nasusunugan.
“With the typhoon season, it is expected that many communities that might be hit by typhoons will be needing evacuation centers, yet with the COVID-19 outbreak that continues to threaten the lives of Filipinos, we need to scale up our efforts to keep them safe from harm and from health hazards,” ani Go.
Kada taon, mahigit 20 bagyo ang bumabayo sa Pilipinas at ilan dito ay masyadong mapanira.
Ang Pilipinas ay nakatuntong din sa tinatawag na Pacific Ring of Fire at nakararanas ng may 100 kada taon.
“Bukod pa rito, kapag may proper evacuation sites na tayo na COVID-19-ready, mas madaling maayos ang mga sistema at health protocols at may nakahandang mga medical equipment na rin,” dagdag niya.