MANILA, Philippines (Update 1, 11:21 p.m.) — Muling palalawigin ng isang buwan ang general community quarantine (GCQ) sa Kalakhang Maynila simula ika-1 ng Oktubre 2020 bilang tugon sa epekto ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic at pangangailangan ng ekonomiya, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH), Lunes.
'Yan ang inanunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque, Lunes, hinggil sa Metro Manila matapos ang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"Other areas under GCQ are Batangas for Luzon; Tacloban City and Bacolod City for the Visayas; and Iligan City for Mindanao," paliwanag ng tagapagsalita ng pangulo.
Pinakastrikto sa lahat ng mga community quarantine na inirerekomenda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ay ang modified enhanced community quarantine (MECQ) para sa probinsya ng Lanao del Sur kasama ang Lungsod ng Marawi.
"For the rest of the Philippines, it's a modified general community quarantine (MGCQ)," pagpapatuloy ni Duterte sa kanyang talumpati.
Una nang sinabi ni San Juan Mayor Francis Zamora na nagkakaisa ang karamihan sa 17 mayors ng National Capital Region (NCR) na manatili ang rehiyon sa GCQ kaysa sa pinakamaluwag na MGCQ lalo na't dapat daw isabay ang aksyon kontra pandemya kahit inaahon ang mga industriyang nawasak ng lockdowns.
"Even if we retain the GCQ status, it is possible to still slowly increase the operational capacity, meaning, the number of employees that can work, the number of customers that establishments can allow to enter. So these are the guidelines that are now being prepared for," ani Zamora sa panayam ng CNN Philippines kanina.
Sabado nang magbabala ang Department of Health (DOH) sa mga peligro ng 'di napapanahong pag-"relax" ng quarantine classifications sa Metro Manila, sa dahilang hindi raw dapat makampante sa dahan-dahang pag-igi ng sitwasyon.
Ito ay sa kabila ng patuloy na pagbaba ng transmission rate ng virus sa bansa, gayundin ang utilization rate ng mga pagamutan at kani-kanilang kagamitan.
Basahin: DOH warns vs further easing Metro Manila quarantine
Kahalintulad din niyan ang pananaw ng UP OCTA Research, lalo na't dapat daw munang ma-sustain ng punong rehiyon ang tinatahak nitong pagbaba sa mga panibagong kaso. Sa ngayon, nakikita ni Ranjit Rye, bahagi ng naturang grupo, na "premature" pa kung pipilitin itong gawin ngayon Metro Mania.
Ayon naman kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, mahalagang maibaba pa ng Kamaynilaan ang sa hindi aabot 60% ang mga nasa moderate risk at critical utilization para upang ligtas na maipatupad ang MGCQ, na siyang magpapahintulot sa mas maraming economic at liesure activities.
"Kung mame-maintain natin ‘yang ganoon, 63 percent, then manatili talaga tayo na maging GCQ muna para magkaroon ng restrictions," ani Vega.
Sa huling ulat ng gobyerno, Lunes, tumuntong na sa 307,288 ang nahahawaan ng nakamamatay na COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 5,381 na ang binabawian ng buhay.