Labis na ‘screen time’ mapanganib

Sinabi ni Dr. Ramon Basa, isang Occupational Family Medicine Specialist ng Asian Hospital and Medical Center sa programang Pinoy MD sa GMA TV, na nasa tatlong oras lamang ang nasa ligtas na haba ng pagkalantad sa mga computer screens bawat araw.
AFP/File

Internet users binalaan

MANILA, Philippines — Nagbabala ang isang health expert sa mga internet users sa mga posibleng panganib sa kalusugan na idinudulot ng labis na oras sa harap ng computer screens ngayong panahon ng pandemya.

Sinabi ni Dr. Ramon Basa, isang Occupational Family Medicine Specialist ng Asian Hospital and Medical Center sa programang Pinoy MD sa GMA TV, na nasa tatlong oras lamang ang nasa ligtas na haba ng pagkalantad sa mga computer screens bawat araw.

Ngunit dahil sa halos lahat ng aktibidad nga­yong nagpapatupad ng ‘work from home’ at ‘online classes’, hindi na maiwasan na lumagpas dito ang marami na nagdudulot ng tinatawag na ‘Computer Vision Syndrome o Digital Eye Strain.’

Kabilang sa epekto nito ay ang paglabo ng paningin, ‘dry eyes’, sakit ng ulo at pagkakaroon ng ‘double vision’.

Ang sanhi umano nito ay ang ‘blue light’ na inilalabas ng mga gadgets na nakasasama sa retina ng mata.

Kung labis talaga ang exposure, maaaring magdulot ito ng tinatawag na “Gray Matter Atrophy” o ang pagliit ng isang parte ng utak. Magiging epekto nito ang paglabo ng memorya at hirap sa konsentrasyon sa mga gawain.

Upang maiwasan ang mga ito, makatutulong umano na gumamit ng gadgets na may tamang liwanag at i-adjust sa mababa ang liwanag ng gadgets.

Marami ang gumagamit ngayon ng ‘anti-blue light’ na mga salamin, ngunit hindi pa ito iniendorso ng mga health experts dahil sa hindi pa napatutunayan ang pagiging epektibo ng mga ito.

Show comments