Sa mga corrupt sa BOC, BIR: Bilang na ang araw n’yo! - Go

MANILA, Philippines — Nagbabala si Senator Christopher “Bong” Go laban sa mga tiwaling opisyal at tauhan ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue na nabibilang na ang kanilang masasayang araw dahil hindi aniya tumitigil ang pamahalaan sa pagtugis sa mga kurakot sa ahensiya ng gobyerno.

Ginawa ni Go ang pahayag matapos suportahan ang panukalang pondo ng Department of Finance sa budget hearing ng Senado.

Sa pagdinig, pinasalamatan ni Go si Finance Secretary Dominguez at ang mga empleyado ng DoF dahil sa kanilang sipag at tiyaga sa pagpapanatili sa bansa na nakalutang sa pangpinansyal na aspeto.

Habang pinupuri ang DoF, binalaan naman niya ang corrupt personnel sa mga attached agencies nito, ang BOC and BIR.

“However, let me also reiterate a warning to the corrupt in the BOC and the BIR. Sa mga corrupt dyan, your days are numbered,” ang babala ng senador.

“The public will exact accountability and you will have your day of reckoning. We will not let you tarnish the laudable efforts of the good people in your agencies,” dagdag niya.

Naniniwala si Go na ang Finance chief at ang mga komisyoner ng BOC at BIR ay hindi papayag na mama­yagpag ang korapsyon sa kani-kanilang ahensiya.

Nagpahayag din ng pagtitiwala si Go sa liderato ng DoF na ang polisiya sa pananalapi ng bansa ay nasa kamay ng mga taong may kakayahan sa usaping ito.

Show comments