MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga kinakaharap na pagsubok at hamon sa isinasagawang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga kababayan nating naapektuhan ng COVID-19 pandemic, muling idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang paalala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyaking laging nauuna sa iba’t ibang serbisyong panlipunan ang mga mahihirap at vulnerable sectors.
Nitong Martes, sa budget hearing ng Senate para sa panukalang pondo ng DSWD, pinuri niya at pinasalamatan ang DSWD sa pagsisikap nitong maipamahagi sa ating mga kababayan sa iba’t ibang sulok ng bansa ang COVID-19 cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Aminado ang senador na dahil sa patuloy na public health crisis at ipinaiiral na quarantine measures ay naging mahirap ang proseso sa pamamahagi ng cash aid.
Ngunit sa kabila ng mga hamon, sinabi ni Go na hindi ito dapat maging hadlang para magawa ng DSWD ang kanilang mandato na pagsilbihan ang mahihirap at vulne-rable sectors.
Pinuri rin niya ang mga Filipino na sa kabila ng hirap at gutom na dinaranas dulot ng pandemic ay nagagawang maging tapat at magsauli ng pera mula sa SAP matapos makatanggap ng doble.
Ayon sa mambabatas, patuloy niyang sinusuportahan ang DSWD pero mahigpit na ipinaalala na palaging i-prioritize ang kapakanan ng ating kapwa lalo na ngayong krisis.