Bong Go: Multi-agency Task Force investigation ‘wag ilimita sa PhilHealth

MANILA, Philippines — Inirekomenda ni Senador Christopher “Bong” Go kay Pangulong Duterte na palawakin pa ang sakop ng imbestigasyon ng Task Force na nag-imbestiga sa katiwalian sa PhilHealth at isama ang iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng government owned and controlled corporations na umano’y sangkot din sa alegasyon ng katiwalian.

“Sabi ko nga kay Pangulong Duterte, huwag nating limitahan ‘yung task force po sa PhilHealth. Kung saka-sakali pong kakailanganin ay ibang ahensya naman po ang gawan natin ng task force para mapabilis at makasuhan at pwedeng mai-tap o pakiusapan ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit at Civil Service Commission na magsuspinde, mag-lifestyle check, mag-audit, mag-imbestiga, makasuhan at makulong ang dapat makulong,” ayon kay Go.

Bukod dito, sinabi ng senador na dapat din ma-lifestyle check ang mga nauulat na korapsyon sa gobyerno para matingnan kung saan nila kinukuha ang kanilang pera.

Giit niya, dapat na kasuhan at irekomenda ang preventive suspension para hindi makagalaw ang mga sangkot sa korapsyon at hindi nila maitago ang mga ebidensya laban sa kanila.

Noong Setyembre 14 ay inirekomenda sa Office of the President ng task force sa pangunguna ng Department of Justice ang kasong kriminal at administratibo laban sa mga opisyal ng PhilHealth dahil sa umano’y katiwalian sa ahensiya.

 

Show comments