Robredo: Martial Law ni Marcos pinahirapan, ninakawan ang marami — mapa-dilaw, pula atbp.
MANILA, Philippines — Ipinaalala nang sari-saring personalidad at grupo ang madilim na kabanata ng Batas Militar sa ilalim ng diktaturya ni Ferdinand Marcos, bagay na ginugunita ang ika-48 taon ng pagkaka-anunsyo ngayong araw.
Ilan na nga riyan ay si Bise Presidente Leni Robredo, Simbahang Katoliko at pambansa-demokratikong Kaliwa, na hindi pa rin natatahimik simula nang ideklara ang Martial Law noong ika-21 ng Setyembre, 1972.
"Napapanahon ang pag-alala na ito, lalo na ngayong dumadaan muli ang ating bansa sa isang mabigat na pagsubok," ani Robredo sa isang pahayag na kanyang inilabas, Lunes nang umaga.
[A] Mensahe ni Vice President Leni Robredo sa anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law Ngayong araw, ginugunita natin...
Posted by VP Leni Robredo on Sunday, September 20, 2020
Aniya, hindi panahon ngayon ang paghahati-hati sa opinyon hinggil sa mga Marcos at ang mga idinulot nilang human rights violations, extrajudicial killings, torture at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Nataon ang Martial Law commemoration ngayong araw habang isinusulong ng ilang mambabatas na maging special non-working holiday ang kapanganakan ng diktador sa Ilocos Norte tuwing sasabit ang ika-11 ng Setyembre taun-taon.
May kaugnayan: Panukalang gawing 'holiday' ang kaarawan ni Marcos sa Ilocos Norte pasado sa Kamara
Dagdag pa ni Robredo, hindi sapat na maging iisa ang interes ng mamamayan para umunlad ang bayan sa hinaharap. Mahalaga rin daw na alalahanin ang madilim na nakaraan ng Martial Law mula 1972 hanggang 1981 — na nagkulong sa 70,000 katao, nag-torture sa 34,000 iba pa at pumatay sa 3,200 biktima.
Bukod pa 'yan sa mahigit P170 bilyong nakaw na yaman ng mga Marcos na nabawi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), batay sa ilang datos.
May kinalaman: Money trail: The Marcos billions
"These truths know no political color, but come starkly in the black and white of our lived experience as a nation. Walang debate dito; nangyari ito," dagdag pa ng ikalawang pangulo kaugnay ng mga "dilaw" (bansag sa mga supporter ng mga Aquino-Cojuanco), mga "pula" (Kaliwa), at loyalista ng administrasyong Marcos.
"[T]hose who attempt to tell us otherwise are not only merely telling a supposed version of the story: They are lying to our faces, stealing our truths from us, stealing our stories."
Sinasabi ito ni Robredo habang kilalang kakampi sa pulitika ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng yumaong diktador, matapos niyang tawaging "very good" ang Martial Law at i-endorso para sa 2019 midterm elections ang kandidatura ni Sen. Imee Marcos.
Matatandaan ding nagdeklara ng sarili niyang martial law si Duterte sa kabuuan ng Mindanao noong 2017, at maya't mayang nagbabanta ng batas militar dahil sa mga ligal na aktibista at rebeldeng komunista.
'Dapat matuto sa kasaysayan'
Ikinalungkot naman ng ilang obispo ng Simbahang Katolika — na kilalang kritiko ng diktadura — ang tila pagkalimot ng ilang Pilipino sa mga karahasan ng bansa sa nasabing tirano.
"I think we have not learned our lessons," matapang na pahayag ni Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator ng Archdiodece ng Maynila.
"People are not vigilant and are not courageous enough to speak out. They do not vote seriously. They allow themselves to be bullied."
Ayon naman kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, dapat matuto ang mga Pilipino sa mga aral ng diktadura, at huwag na itong hayaan na maulit pang muli.
Aniya, responsibilidad ng mga mamamayan na pahalagahan ang tinatamasang kalayaan ngayon at itigaguyod ito.
"But sad to say, we tend to forget and take it for granted," dagdag ni Santos.
Ilan sa mga mayor na nanawagan na magtungo sa EDSA ang mamamayan noong People Power Revolution ay si Jaime Cardinal Sin, ang ika-30 arsobispo ng Maynila, bagay dumulo sa pagpapatalsik kay Marcos.
Binantaan naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) si Duterte sa diumano'y pag-aasta niyang diktador kagaya ni Marcos, dahil na rin sa kasaysayan ng "panunupil" ng kasalukuyang gobyerno.
"Sa nagdaang 6 na buwan - ipinasa ang anti-terror law, isinara ang ABS-CBN, ilang aktibista ang pinatay, ipinagbawal ang mag-protesta, at dinagdagan ang budget pang-militar at pulis. Binuhay pa ang charter change at revolutionary government," ani BAYAN secretary general Renato Reyes Jr.
"Gaya ni Marcos, takot na takot ang rehimen sa mamamayan. Inuuna pa nito ang panunupil sa halip na lutasin ang health and economic crisis."
NEVER AGAIN! DUTERTE WALANG PINAG-IBA KAY MARCOS Ngayong araw ng paggunita ng anibersaryo ng Martial Law, nananawagan...
Posted by Renato Jr. Reyes on Sunday, September 20, 2020
Saad ni Reyes, hindi habambuhay sa pwesto ang rehimeng Duterte. Gaya ng pagkakabuwag ng taumbayan sa Martial Law ni Marcos, iisa lang daw ang hantungan ng mga diktador — ang pagbagsak. — may mga ulat mula sa News5
- Latest