'Price ceiling' sa COVID-19 swab testing inihapag ng DOH kay Duterte
MANILA, Philippines — Hinihikayat ngayon ng Department of Health (DOH) ang pagtatakda ni Pangulong Rodrigo Duterte ng limitasyon pagdating sa pagpepresyo ng mga RT-PCR swab tests sa pagsipat ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19) dahil na rin sa "napakamahal" na paniningil ng ilang pasilidad sa bansa.
"Nakapag-submit na kami sa Office of the President ng recommendation for an executive order issuance," pagkukumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga reporters, Lunes.
"Nakikita nga rin po natin 'yung malaking difference between laboratories as to how much a swab testing costs."
Noong Agosto, sinasabing nasa P4,600 ang presyo ng swab test sa Lung Center of the Philippines kahit na ospital ito ng gobyerno. Nasa P4,000 naman ang singil dito ng Philippine Red Cross.
Sa mga pribadong pagamutan, papatak ito nang mula P3,000 hanggang P12,000 singil kada test depende kung saan ito kukunin o kung ipinamamadali ang resulta.
Una nang ipinanawagan ito ni Sen. Francis Tolentino, Pampanga Gov. Dennis Pineda at 1Pacman partylist Rep. Mikee Romero sa gobyerno.
"Ito nga ay inaantay natin na bigyan tayo ng tugon kung saka-sakaling ito ay maaaprubahan," dagdag pa ni Vergeire.
"Ito po ang ating pong hinihiling na baka po for this this pandemic... we can be able to have this executive order so that can somehow regulate the prices of swabs or testing for COVID-19."
Aniya, executive order ang kanilang hinihingi kay Duterte dahil na rin sa gamot lang daw ang sakop ng mga kasalukuyan batas. Hindi rito kasama ang diagnosis at professional fees kaugnay ng mga sakit gaya ng kinatatakutang COVID-19.
Noong isang linggo lang ay matatandaang ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng ilang grupo na magsagawa ng libreng mass testing ang gobyerno laban sa pandemya, na nakahawa na ng 286,743 at kumitil sa buhay ng 4,984 sa bansa.
Basahin: Korte Suprema ibinasura ang petisyong libreng COVID-19 'mass testing'
Sa kabila niyan, nakabinbin pa rin sa Kamara ang panukala ng Makabayan bloc na maging libre na ang COVID-19 mass testing sa Pilipinas upang agad na malaman kung dinapuan na ng virus ang isang pasyente.
- Latest