MANILA, Philippines — Hiniling ni Sen. Christopher “Bong” Go sa Cooperative Leaders na patuloy na makipagtulungan sa pamahalaan at magbayanihan kasabay ng pagkilala ng mambabatas sa kanilang malaking papel na maibangon ang bansa.
“Mahalaga talaga ang mga kooperatiba dahil tinutulungan nito ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng mga kaalaman at serbisyong teknikal at pinansyal na ibinabahagi nito... Magtulungan at magbayanihan po tayo para mas makarating ang ayuda at serbisyo ng gobyerno sa mas maraming Pilipino,” ayon kay Go sa kanyang talumpati sa virtual forum ng mga lider ng kooperatiba.
Nanawagan siya sa mga kooperatiba na ipagpatuloy ang pagtulong na maibangon ang bansa sa abot ng kanilang makakaya.
Tiniyak ng mambabatas sa mga ito na ang gobyerno ay patuloy ring aasiste sa kanila, maging sa maliliit na negosyo at vulnerable sectors sa pamamagitan ng Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2.
Ipagpapatuloy aniya ito ng gobyerno ngayong napirmahan na ni Pangulong Duterte ang Bayanihan 2. Ang nasabing batas ay magpopokus sa economic recovery habang nilalabanan ang coronavirus pandemic.
Hinimok niya ang mga kooperatiba na gamitin ang kanilang Community Development Fund upang makatulong sa kani-kanilang community members na malabanan ang kasalukuyang krisis.
Nangako rin si Go na tutulong sa mga layunin ng mga kooperatiba sa pamamagitan ng paglikha ng batas.