Pinal na: Petisyon sa health records ni Pres. Duterte, ibinasura ng SC
MANILA, Philippines — Nagpalabas na ng pinal na desisyon ang mga mahistrado ng Korte Suprema na nagbabasura sa petisyon para ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang health records.
“The Resolution dated May 8, 2020 dismissing the Extremely Urgent Petition for Mandamus is deemed final. No further pleadings or motions shall be entertained in this case,” ayon sa resolusyon.
Patungkol ito sa ‘motion for reconsideration’ na isinampa ng abogadong si Dino De Leon makaraan na unang tanggihan ito ng SC.
Ayon kay De Leon, pinagkaitan ng korte ang mamamayang Pilipino para mabatid ang tunay na lagay ng kalusugan ng Pangulo nang agad na idismis ang una niyang petisyon.
Ginamit din ni De Leon na basehan ang isinasaad ng Section 12 Article VII ng 1987 Constitution na nagsasabi na may responsibilidad ang Pangulo na ipaalam ang kundisyon ng kaniyang kalusugan at section 7 ng Article III na nagsasaad sa karapatan ng mamamayan na malaman ang mga bagay na nakakaapekto sa kanila.
Ngunit nanindigan ang Korte Suprema na nabigo si De Leon na mapatunayan na may legal siyang karapatan para maggiit na ilantad ng Pangulo ang kaniyang medical records.
Sinabi rin sa SC ruling na ayon sa deliberasyon ng Constitutional Commission, ang intensyong nakasaad sa Konstitusyon ay bigyan ng diskresyon ang Pangulo kung ilalabas ang kaniyang health records na hindi umano “ministerial duty”.
- Latest