Tulong ng ibang bansa sa paghahanap sa missing Pinoy crew ‘di pwede - DFA

MANILA, Philippines — Tumanggi si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin sa panawagan na hingin ang tulong ng Australia at New Zealand para tumulong sa paghahanap sa mga nawawalang Filipino crewmen ng cargo vessel na lumubog sa karagatan ng Japan noong mga nakaaraang linggo.

Paliwanag ni Locsin, hindi maaaring hingin ang tulong ng ibang bansa sa paghahanap dahil pag-atake ito sa soberenya ng Japan.

Ang tugon ng Kalihim ay bilang sagot sa liham ni Sen. Risa Hontiveros na humihiling kay Locsin na hikayatin ang Japan na palawakin ang search and rescue efforts at sumama dito ang Pilipinas gayundin ang Australia at New Zealand.

Nilinaw naman niya na hindi tumitigil sa search and rescue ang gobyerno ng Japan.

Matatandaan na kabilang sa sakay ng Gulf Livestock I ang 43 crewmen kabilang ang 39 Pinoy na lumubog sa karagatan ng Japan noong Setyembre 2 dulot ng Typhoon Maysak.

Dalawang Filipino lang ang na-rescue dito at ang isa ay idineklarang patay.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Locsin sa publiko na  patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan niya sa gobyerno ng Japan para mahanap pa ang 36 Pinoy seafarers.

Show comments