Malacañang dudang dolomite ang sanhi ng Manila Bay fish kill; pruweba mali-mali
MANILA, Philippines — Kamot-ulo ngayon si presidential spokesperson Harry Roque sa mga nagtatangkang ikabit ang pagkamatay ng mga isda sa Manila Bay sa pagtatambak ng synthetic "white sand" — gayunpaman, hindi lapat sa katotohanan ang kanyang mga mga dahilan ng pagdududa rito.
Kahapon kasi nang mag-viral ang ilang litrato at video ng Manila Bay kung saan makikitang palutang-lutang ang mga patay na isda, maliban sa pamumuti ng tubig. Dahil diyan, nangangamba ang ilang grupo na baka may kinalaman ang dolomite dito lalo na't itinuturing itong health hazard.
Basahin: Fish kill sa Manila Bay pinangangambahang dulot ng dolomite 'white sand'
May kinalaman: PANOORIN: Pagtatambak ng 'white sand' sa Manila Bay umarangkada
Pero ayon kay Roque, Biyernes, kahina-hinalang may nakitang patay na fresh water tilapia Manila Bay lalo na't "hindi ito mabubuhay sa tubig alat." Dahil diyan, dapat daw alamin kung may nananabotahe sa beautification project ng gobyerno — na wari'y nagpapasaring na itinambak lang ang bangkay ng mga isda roon.
"Well hindi ko po alam kung meron pong sabotahe. Pinag-aaralan nga po 'yan. Pero ang nakapagtataka nga, ang tilapia, fresh water fish, nakarating po sa Manila Bay. Parang imposible naman 'yon, dahil hindi po mabubuhay ang tilapia sa Manila Bay,"
"Kahit anong sabihin nila, kahit anong gawin nila, nagtitiwala pa rin po ang sambayanang Pilipino kay Presidente Duterte."
Una nang sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) napakababa ng dissolved oxygen sa tubig, bagay na maaaring ikinamatay ng mga isda.
"The result of the water quality testing in the Baseco Area indicated very low level of dissolved oxygen (DO) at 0.11 mg/L. The acceptable level for marine waters is 5 mg/L," wika ni Gongona.
May tilapia ang Manila Bay, 'mababa ang pagka-alat'
Taliwas sa teoryang "pananabotahe" at pagtatambak ng mga "isdang tabang sa tubig alat," maraming ebidensyang nagpapatunay na may mga tilapia talaga sa Manila Bay kasabay ng mababang salinity (kaalatan) ng tubig.
Ayon mismo sa Journal of Fisheries ng BFAR noong 2016, kasama ang tilapia sa mga matatagpuan sa mga inland water bodies ng bay area. Bahagi ito ng mga "commonly farmed species" sa aquaculture ng Manila Bay, kasama ng bangus, alimangong putik, sugpo, talaba, tahong at seaweeds.
Bukod pa iyan sa ilang ulat ng tilapiang Gloria (black chin tilapia) na nakawala sa mga aquaculture ng Manila Bay, bagay na kinikilala bilang "invasive species."
Sa isang pag-aaral naman noong 2011 na pinamagatang "Hypoxia in Manila Bay, Philippines during the northeast monsoon. Marine Pollution Bulletin," sinasabing may average surface salinity ang anyong tubig na 32.6 psu (practical salinity unit).
Pero dahil sa pagpasok ng tubig mula sa mga ilog — na kilalang fresh water — sinasabing mababa ang salinity malapit sa mga baybayin, lalo na sa bunganga ng Ilog Pasig.
Ayon din sa isang artikulo noong 2006 na pinamamagatang "Biophysical Environment of Manila Bay - Then and Now," bumababa rin ang salinity ng bay dahil sa "strong seasonal variations."
DENR: Dolomite at isda? Pwede pagsamahin
Samantala, patuloy namang ipinagtatanggol ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na walang kinalaman ang kanilang pagtatambak ng dolomite sa pagkamatay ng mga nasabing isda — dahilan para magpakita pa siya ng ilang "patunay."
Sa larawang ito, makikitang nilagyan ni Antiporda ng Dolomite ang isang aquarium na nilalanguyan ng mga isda.
DENR Undersecretary Benny Antiporda places crushed dolomite sand in an aquarium with fish to prove that the recent...
Posted by Philippine Star on Thursday, September 17, 2020
"It is erroneous to connect the incident to our beach nourishment project. The Baywalk area is very far from the Baseco Compound," paliwanag ng opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
"There is also a big divider between these two areas, which is the breakwater."
Maliban sa isyu ng fish kill, pinapalagan ng maraming environmental groups ang pagtatambak ng dolomite sa Manila Bay sa dahilang hindi naman nito nalilinis ang maruming tubig, na may mataas na fecal coliform levels.
Ayon naman sa grupong Pamalakaya, imbis na gumastos ng P350 milyon para sa dolomite ang gobyerno, sana't iginugol na lang ang pera sa pagtatanim ng mga bakawan (mangrove) kung totoong gustong i-rehabilitate ang look.
- Latest