MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) na paigtingin pa ang suicide awareness sa mga lalawigan at kabataan sa gitna ng pagtaas ng kaso ng pagpapakamatay sa nasabing mga sektor at lugar.
Sinabi ni Go na, dapat magkaroon ng mas malawak na programa ang ahensiya sa suicide awareness dahil sa loob lamang ng isang buwan ay marami ang nagpapakamatay sa kanilang probinsiya na karamihan ay mga kabataan kaysa sa COVID-19 na lubhang nakakaalarma.
Batay sa mga eksperto, ang stress na dulot ng COVID pandemic at problema sa pinansiyal ay mistula ring pandemya na umaatake sa tao kaya may mga nagkakaroon ng mental illness na nauuwi sa suicide.
Ang kawalan ng trabaho, pagkalubog sa utang, pagkalayo sa mahal sa buhay at pagkatuliro ang ilan sa mga kondisyon na nakapagbibigay ng pag-aalala ng isang tao na nagiging sanhi naman ng paglala ng depekto sa pag-iisip.
Dahil sa ipinatupad na community quarantine measures para malabanan ang pandemya, maraming maliliit na magsasaka, mangingisda at simpleng manggagawa ang nabawasan o nawalan ng ikabubuhay.
Dagdag pa dito ang marami ang hindi nakakalabas ng bahay, marami ay nalulungkot, mga nawalan ng trabaho, hindi alam kung saan kukunin ang pambili ng pagkain, mga gamit sa blended schooling, katulad ng laptop, at pambayad sa tuition.
Nababahala naman si Go dahil kulang pa rin sa pondo ang mental health system ng bansa gayung maraming Filipino na sumasailalim sa mental health treatment bago ang pandemic ay naputol ang serbisyo sa mga lugar na nasa ilalim ng community quarantine.
Dahil dito kaya umapela ang Senador sa DOH, DOLE at DSWD na unahin ang mental health care at psychosocial support services.