MANILA, Philippines — Nababahala ang ilang mambabatas at Commission on Higher Education (CHED) sa iniliit ng budget na planong ilaan ng gobyerno sa mga State Universities and Colleges (SUCs) para sa taong 2021 — bagay na mangangahulugan ng pagkatapyas sa kabuuang pondo ng halos 20 pamantasan at kolehiyong pampubliko.
Kahit mas mataas nang 6.39% ang panukalang P50.9-bilyong pondo ng CHED kumpara sa budget noong 2020, nangangahulugan kasi ito ng pagtitipid sa ilang paaralan na makaaapekto sa scholarships ng mahihirap na estudyante.
CHED's proposed 2021 budget is P50.9-billion. This is 6.39% higher than their P47.9-billion budget for 2020. |
???? CHED pic.twitter.com/96nyLus5Rn— Marianne Enriquez (@mariannenriquez) September 16, 2020
"Sa pagtatala po ng Kabataan, 19 na SUCs ang makakaranas ng budget cuts sa kanilang total budget," ayon kay Kabataan party-list Rep. Sarah Elago sa pagdinig ng Kamara sa budget, Miyerkules.
"18 naman na SUCs ang [mababawasan] ang kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE)."
Sa MOOE kinukuha ang iba't ibang mahahalagang gastusin ng mga pamantasan, gaya ng lang ng pambayad ng kuryente.
Tinatayang 56 na public higher education institution naman ang nanganganib pang bawasan ang capital outlay — na ginagamit sa pagtatayo ng mga gusali at iba pang gastusin. Dagdag pa ni Elago, ilang SUCs din ang talagang "zero" ang pondo pagdating sa capital outlay.
Bilang tugon, inirerekomenda ngayon ni Baguio City Rep. Mark Go na madagdagan pa ng karagdagang P500 milyon ang capital outlay ng CHED next year.
"[I]mbis na kaltasan ng pondo ang mga SUCs na ito... dapat po nating ibigay ang pondo... na kinakailangan nila para mag-transition sa 'new normal' at pagpapalakas ng inclusive learning modalities sa ating State Universities and Colleges (SUCs)," ayon sa youth leader.
"Napakalaki po ng kaltas sa mga scholarships [at] financial assistance programs."
CHED: Talagang lumiit
Sinegundahan naman ni CHED Commissioner Prospero de Vera ang obserbasyon ni Elago at sinabing lumiit talaga ang ilang pondo na gagamitin sana sa operasyon ng mga eskwelahan.
"The biggest increases would be increases in Universal Access to Quality Tertiary Education Act, because we expected more beneficiaries," ani De Vera.
"Pero pag tinignan niyo yung proposed budget namin for 2021 yung capital outlay namin ay talagang lumiit."
De Vera: Pero pag tinignan niyo yung proposed budget namin for 2021 yugn capital outlay namin ay talagang lumiit. pic.twitter.com/OGqPtZ2g6R
— House of Representatives of the Philippines (@HouseofRepsPH) September 16, 2020
Mula sa lagpas P273.7 milyon kasi na inaprubahan noong 2020, magiging P195.9 milyon na lang kasi ito kung masusunod ang proposed capital outlay ng CHED para sa 2021.
Iyan ay nangangahulugan ng 31.9% na pagbaba mula sa in-appropriate para sa taong kasalukuyan.
Lumalabas din na mula sa P3.8-bilyong student financial assistance program noong 2020, magiging P1.51 bilyon na lang ito para sa taong 2021 — o 59.94% kaltas.
Nangyayari ang mga nasabing pagkaltas kahit na gustong itaas patunong P16 bilyon ang pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC). 'Yan ay mula sa P622.3 milyong pondo lamang ngayong 2020, na nangangahulugan nang libu-libong porsyento ng pagtaas.
Tinatayang nasa P4.5 trilyon ang planong national budget para sa taong 2021, na mas mataas nang 9.9% kumpara sa National Expenditure Program (NEP) ngayong taon. — may mga ulat mula kay News5/Marianne Enriquez