Bong Go: Bayanihan 2 funds gamitin nang maayos, walang korapsyon

Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga ahensiya ng pamahalaan na tiyaking magagamit nang maayos at hindi mababahiran ng katiwalian ang pondong inilaan ng Republic Act 11494 na kilala rin bilang “Bayanihan to Recover as One Act” matapos itong lagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi rin ni Sen. Go na una sa dapat mabenepis­yuhan ng nasabing batas ang mahihirap at vulnerable sectors.

“Uulitin ko po ang lagi kong pinapaalala sa ating mga executive agencies: Siguraduhin natin na magagamit ang pera ng bayan nang tama, siguraduhin natin na makararating ang tulong sa pinakanangangailangan at pinakaapektado nating mga kababayan. At siguraduhin natin na walang pinipiling oras ang ating pagtulong at pagserbisyo sa bayan,” ani Go.

“I would like to confirm, gusto ng Presidente na transparent ang Executive and lahat ay accounted sa kung saan nagastos ang pera ng gobyerno,” dagdag niya.

Sa Bayanihan 2 measure ay naglaan ng COVID-19 recovery fund na nagkakahalagang P165.5 billion. Ang P140 billion ay para sa regular appropriation at ang P25.5 billion ay bilang standby funds.

Layon nito na mapondohan ang iba’t ibang programa ng gobyerno, kagaya ng pagsasaayos ng healthcare system, implementasyon ng cash-for-work program, pag-ayuda sa  mga industriyang naapektuhan ng pandemya, lalo na sa sektor ng agrikultura, pagbili ng COVID-19 vaccines at iba pang proyekto.

Higit sa lahat, idiniin ni Go na dapat ay corruption-free  ang paggamit sa Bayanihan 2 funds kaya ipinatitiyak niya ang mga kinakailangang safeguards ukol dito.

Show comments