'Bakit wala si Duque?': Sotto kwinestyon kasong isasampa vs PhilHealth execs
MANILA, Philippines — Laking pagtataka ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III ang hindi pagkakasama ni Health Secretary Francisco Duque III sa listahan ng mga opisiyal na pinakakasuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa diumano'y bilyun-bilyong pisong katiwalian sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
"No [Francisco] Duque? No [Rodolfo] del Rosario? I'm dumbfounded!" tanong ni Sotto sa isang pahayag pagdating sa 177-pahinang report ng Department of Justice (DOJ) kay Digong.
"Article 217 of the [Revised Penal Code] is very clear."
Bilang kalihim ng Department of Health (DOH), nagsisilbi kasing chairperson ng PhilHealth si Duque.
Kagabi kasi nang aprubahan ni Duterte ang sari-saring kasong kriminal at administratibo kaugnay ng imbestigasyon at findings ng "Task Force PhilHealth" sa overpriced information and communications technology (ICT), kabiguang mag-withold ng buwis sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) at iba pang katiwalian.
Tumutukoy ang mga IRM sa mekanismo ng National Health Insurance Program na magbigay ng financial aid sa healthcare providers na apektado ng kalamidad.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, Martes, posibleng P100 bilyon na ang pinag-uusapang halaga ng katiwalian sa PhilHealth kung paniniwalaan ang ilang impormasyon na kanyang nakukuha.
Una nang inirekomenda ng Senate Committee of the Whole na sampahan ng kasong malversation, paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act o RA3019 at National Internal Revenue Code sina Morales at iba pang mga opisyales ng state health insurer.
Basahin: Duterte ipinahahabla sina Morales, iba pang Philhealth execs
May kaugnayan: Cheat sheet on Task Force PhilHealth's fact-finding probe, complaints to be filed
"Perhaps the Ombudsman would have a better perspective of the anomalies," wika ni Sotto, lalo na't posibleng ihain doon ang administrative complaints, maliban sa prosekusyon ng Department of Justice o PhilHealth.
'Simula pa lang'
Paglilinaw ni Roque, hindi pa naman ibig sabihin nito na lusot na nang tuluyan si Duque hinggil sa isyu lalo na't nagsisimula pa lang naman daw ang mga imbestigasyon.
"This is only the beginning. Nakasaad din po sa report na magpapatuloy pa ang imbestigation ng [National Bureau of Investigation] at ng DOJ, at magpapatuloy pa rin po ang imbestigasyon ng Ombudsman," sabi ng tagapagsalita ng pangulo.
"Ito po'y pauna lamang, given their very limited time na ibinigay po sa task force to come up with its recommendations."
Pero sa ngayon, tanging "strong admonishment," o babala pa lang, ang maibibigay ni Duterte kay Duque at hindi bababa sa limang sitting secretaries.
Aniya, may kapabayaan pa rin sila dahil sa pagpayag sa IRM, pagboto sa ICT contracts at kabiguan na habulin ang ilang nagsasagawa ng fraud sa PhilHealth.
"[But they were] somehow mitigated by he fact na maraming dokumento o facts na itinago ang mga miyembro ng execomm sa mga miyembro ng board of directors," dagdag pa ni Roque. — may mga ulat mula sa News5
Related video:
- Latest