'Record high': Patay sa COVID-19 sa Pilipinas 259 ngayong araw lang; kaso 265,888 na
MANILA, Philippines — Tuloy lang sa paglaki ang bilang ng nahahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa mga datos na nakalap ng Kagawaran ng Kalusugan, Lunes.
Sumatutal, umabot na kasi sa 265,888 ang nadadali ng kinatatakutang virus sa bansa. Mas marami 'yan nang 4,699 kumpara sa mga bilang na ibinalita kahapon ng Department of Health (DOH).
Naabot ang bilang na 'yan matapos maisagawa ang COVID-19 tests sa mahigit 2.92 milyong katao. Sa kabila niyan, sinasabing 15 laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng mga resulta sa araw na ito.
"There were 27 duplicates that were removed from the total case count. Of these, 16 recovered cases have been removed," ayon sa DOH sa isang pahayag.
"Moreover, there were two hundred ninety-seven (297) cases that were previously reported as recovered but after final validation, they were deaths (253) and active (44) cases."
Majority sa mga bagong anunsyong impeksyon ay nagmula sa mga sumusunod na lalawigan/rehiyon:
- National Capital Region (1,498)
- Cavite (221)
- Bataan (198)
- Bulacan (185)
- Batangas (176)
Pero kung iaawas diyan ang mga namatay at gumaling na sa COVID-19, pumapatak na 53,754 na lamang ang mga aktibong kaso sa kasalukuyan.
LOOK: DOH COVID-19 CASE BULLETIN #184 As of 4PM today, September 14, 2020, the Department of Health reports the total...
Posted by Department of Health (Philippines) on Monday, September 14, 2020
Sa kasamaang-palad, nasawi naman habang nakikipagbuno sa virus ang 259 pang pasyente sa ngayon, bagay na nagtutulak sa total local casualties sa 4,630.
Ito na ang pinakamalaking bilang ng bagong COVID-19-related death na iniulat sa Pilipinas sa iisang araw lamang, matapos maungusan ang highest single-day mortality noong Sabado na 186.
Basahin: Philippines sees 4,935 new COVID-19 infections with record 186 deaths
Wala naman na sa panganib ang 249 pang kaso matapos gumaling ang aabot sa 207,504 katao sa bansa.
Ngayong araw nagsisimula ang reduced physical distancing sa loob ng mga pampublilkong sasakyan gaya ng MRT, LRT at Philippine National Railways (PNR), bagay na ginawa ng Department of Transportation (DOTr) sa layuning maparami ang pasahero kahit na may COVID-19 pandemic pa.
Basahin: 'Social distancing' sa public transpo babawasan mula Lunes, pasahero dadami
May kaugnayan: DILG mas trip ang 1-metrong 'distancing' sa public transpo ngayong binawasan ng gobyerno
Pinalagan naman ng ilang doktor ang naturang desisyon ng gobyerno na gawing 0.75 metro ang required distancing sa mga nasabing sasakyan sa dahilang maaari pa raw nitong ma-"trigger" ang mas malaking bilang ng COVID-19 cases, dahilan para ipanawagan sa mga pasahero na lumayo pa rin nang isang metro mula sa isa't isa.
"Masyadong maaga pa at malamang na dumami lalo ang kaso at bumagal ang recovery natin kung gawin natin ito ngayon," ani Dr. Antonio Dans ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) sa isang online forum.
"Kung kaunti ang pasahero, ituloy nyo pa rin yung 1-meter distancing or even farther... Umubo o bumahing nang tama, 'wag naman sa mukha ng katabi nyo. Takpan ang bibig."
Umabot na sa 28,63 milyong ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa pinakabagong ulat na inilabas ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 917,417 ang sinasabing patay na.
- Latest