Reporma sa PhilHealth, dapat may ma-convict na corrupt officials - Sen. Go

MANILA, Philippines — Kasabay ng pagbubukas ng ika-82 Malasakit Center sa Southern Isabela Medical Center, sinabi ni Sen. Bong Go na para mapatunayang may ginagawang reporma ang pamahalaan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay dapat na tiyaking may maparurusahan o makukulong na salarin sa likod ng mga anomalya sa ahensiya.

“Bagama’t nakakalungkot po, sa nakaraang araw ay naging issue ang PhilHealth. Alam ko po na marami naman na nagtatrabaho sa PhilHealth na honest at may dedikasyon na magserbisyo sa ating mga kababayan,” ani Go.

Kaya nanawagan ang senador sa mga matitinong kawani ng ahensya na magtulungan para maibalik ang bawat sentimo na ibinabayad ng tao sa PhilHealth, lalo ngayong panahon ng pandemya.

Sa kanyang speech sa video call, ipinaliwanag ni Go na ang Malasakit Centers ay one-stop shops na kinaroroonan ng mga government agencies na ang programa ay magbigay ng financial at medical assistance sa mga mahihirap at indigent na pasyente.

“Lapitan ninyo lang ang Malasakit Centers para sa mga pangangailangan ninyong pangkalusugan. Para po ito sa lahat ng mga Filipino, lalo na ang mga mahihirap na nangangailangan ng tulong sa pampagamot. Sisiguraduhin natin na pagdating sa serbisyo mula sa gobyerno, sila ang ating uunahin palagi,” dagdag ni Go.

Nakiusap siya sa hospital personnel at local officials na unang bigyan ng atensyon ang mga vulnerable at ang kapakanan ng mahihirap o indigent patients.

“Ang Malasakit Center po ay walang pulitika, basta Pilipino ka, lalo na kung poor and indigent patient ka, qualified ka po sa Malasakit Center,” sabi ng senador.

Ang Malasakit Center ay “brainchild” ni Go na layong huwag nang mapahirapan ang mahihirap, lalo ang mga may karamdaman sa paghingi ng financial at medical assistance sa DOH, DSWD, PhilHealth at PCSO.

Show comments