MANILA, Philippines — Lalala ang kahirapan sa susunod na taon sa ating bansa dahil sa patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay NEDA director at acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, bago tumama ang COVID sa bansa target ng pamahalaan na mapababa ang kahirapan ng may 14 percent sa taong 2022 mula sa 16.7 percent noong 2018. Pero dahil sa pandemic, inaasahang mas lumala ang kahirapan.
Anya, tinaya ng pamahalaan ang poverty incidence sa susunod na taon na maibaba sa 15.5% o posibleng tumaas sa 17.5%.
Ang pagtindi ng kahirapan ay batay sa latest SWS survey na 40% ng Pilipino ang nagsabing posibleng lumubha ang ekonomiya ng bansa sa susunod na 12 buwan dahil sa pandemic.
Sinabi ni Chua na ang unemployment rate sa 2021 ay maaaring umabot sa 6-8 percent na mas mataas sa normal average unemployment rate na 5% pero mababa ito sa current rate na 10% at 17.7% sa panahon ng matinding implementasyon ng lockdown.