MANILA, Philippines — Nangako si Senator Christopher “Bong” Go na patuloy na susundin ang payo sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na isumbong sa Punong Ehekutiboang mga matutuklasan niyang iregularidad o paglustay sa salaping bayan.
“Alam n’yo po, parati naming napag-uusapan ni Pangulong Duterte lalung-lalo na sabi niya, ‘Bong, sa nalalabi kong isang taon at siyam na buwan’, lalabanan daw talaga niya ‘yung korapsyon. Lalabanan namin ang korapsyon sa gobyerno,” sabi ni Go sa isang radio interview.
“Palagi niyang paalala sa akin: unahin mo lang ang interes ng bawat Pilipino — hindi ka magkakamali diyan,” ibinahagi niya.
Tiniyak din ni Go na hindi magiging hadlang ang pagkakaibigan at pulitika sa kampanya ng Pangulo laban sa korapsyon.
“Sabi niya na walang pipiliin, walang kaibigan kahit na sino, kahit na kaibigan natin, kahit na tumulong noong kampanya, kahit na kasamahan natin, ’pag pumasok sa korapsyon ay lalabanan namin,” ani Go.
Sinabi ni Go na isang rasonableng tao ang Pangulo at kinikilala ang mga taong nagtatrabaho nang maayos para sa publiko.
Matatandang sinabi ng senador na hindi siya mangingiming magsalita na mistulang oposisyon pagdating sa isyu ng korapsyon para malaman ng taongbayan kung sino ang mga gumagawa ng mali at sila ay mapanagot.