MANILA, Philippines — Walang nagpaalam sa kampo ni dating US Marine Joseph Scott Pemberton — na napatunayang pumatay ng isang Filipina transgender woman — na inaasikaso na pala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalaya sa kontrobersiyal na mamamatay-tao.
Sa panayam ng ANC kay Rowena Flores, abogado ng pumaslang kay Jennifer Laude, iginawad ng presidente ang "absolute pardon" kay Pemberton kahit na hindi sila nag-apply nito kay Duterte.
"I didn’t know that any was forthcoming or that anybody filed an application for pardon in his behalf," wika ni Flores, Martes.
Aniya, nauna pa nila itong nalaman sa mga media kaysa kay Duterte mismo.
Kagabi nang ipaliwanag ni Duterte na "hindi naging patas" ang pagturing kay Pemberton, lalo na't hindi daw ni-record ng Marines na nagpipiit sa kanya ang kanyang "good behavior" na magpapatunay na sakop siya ng good conduct time allowance (GCTA). Una nang sinabi ng Olongapo court noong isang linggo na dapat na siyang mapalaya kahit kalahati pa lang ng sintensya ang napagdusaan dahil sa GCTA.
"So ‘yung presumption kasi wala namang sumbong, ‘di walang ginawa ‘yung taong masama. In fairness, tapos na ‘yung kuwentada, he was recommended to be released, ‘di i-release mo. Kaya isip-isip ko — nakikinig lang ako sa ‘yung sa newspaper pati sa radyo — sabi ko, it is not fair, hindi makatarungan," wika ni Digong Lunes nang gabi.
"[I]t is not the fault of Pemberton na hindi na na-compute because we should allow him the good character presumption kasi wala namang nag-report na Marines na nagsabi nagwawala siya."
Basahin: Duterte binigyan ng 'absolute pardon' si Pemberton sa pagpatay kay Jennifer Laude
Target nina Flores na makalabas ng kulungan si Pemberton sa loob lamang ng isang linggo.
Laude camp: Unfair? Special treatment nga eh
Kinastigo naman ni Virginia Suarez, abogado ng pamilya Laude, na hindi naging patas ang turing kay Pemberton habang nakakulong.
Aniya, ni hindi man lang daw kasi talaga nahawakan ng mga otoridad ng Pilipinas si Pemberton kahit na nahatulan nang guilty.
"Since conviction in 2015, Pemberton has been detained in a privileged and [air-conditioned] facility in Camp Aguinaldo with US soldiers guarding him," sambity ni Suarez.
"His GCTA was ordered by the trial court without even furnishing copies of pleadings and notices to the Laude [family] and counsel, not even to the public prosecution. A matter that should have been the sole discretion of BuCor, Bureau of Jail Management and Penology and Warden."
Ang absolute pardon, na bumubura lahat ng parusang ipinapataw kay Pemberton, ay maaaring igawad ni Duterte depende sa rekomendasyon ng Board of Pardons and Parole.
Kakahain pa lang sana ng motion for reconsideration para hindi maproseso ang pagpapalaya kay Pemberton, ngunit nawalan na 'yon ng silbi sa pagbababa ng absolute pardon ni Digong.
'Walang umudyok, sariling desisyon'
Nang tanungin si Flores kung may nalalaman siya kung nagkasundo ang Maynila at Washington sa kaso ni Pemberton, binanggit niyang wala siyang nalalaman tungkol dito: "I don’t really know what happenened," dagdag niya.
Pero pagtitiyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra, walang bumuyo kay Digong para makarating sa kanyang desisyon na magbigay ng absolute pardon.
"From where I was sitting this afternoon at the presidential residence, I saw that the president’s decision to grant pardon to Pemberton was solely his own," sabi ni Guevarra sa isang pahayag.
Pero sa pananaw ni Renato Reyes Jr., secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), may kinalaman ang pag-atras ni Duterte sa tuluyang pagbabasura ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pardon ni Pemberton.
"The Philippine president has restored the VFA to please the Americans. He has gone even further by pardoning Pemberton who was the subject of special treatment under the VFA," wika ni Reyes.
"So much for claims of having an independent foreign policy. The US government had its way again on this issue. The absolute pardon for the US Marine is just shameless subservience to the US."
Bagama't ipinangako ni Duterte ang pagbabasura ng VFA, Hunyo nang ianunsyo ni Foreign Affairs Secretary na sinuspindi ito nang anim pa na buwan "kaugnay ng mga political developments" sa rehiyon.