^

Bansa

Duterte binigyan ng 'absolute pardon' si Pemberton sa pagpatay kay Jennifer Laude

James Relativo - Philstar.com
Duterte binigyan ng 'absolute pardon' si Pemberton sa pagpatay kay Jennifer Laude
Iprinoprotesta ng mga militanteng ito ang kautusan ng Olongapo court na maagang palayain ng kulungan si dating U.S. marine na si Joseph Scott Pemberton, pumatay sa transgender Filipina na si Jennifer Laude, kaugnay ng good conduct time allowance (GCTA), ika-3 ng Setyembre, 2020
The STAR/KJ Rosales

MANILA, Philippines — Tuluyan nang pinawalang-sala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang kontrobersyal na sundalong Amerikano kahit napatunayang pinaslang ang transgender Filipina na si Jennifer Laude noong Oktubre 2014, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), Lunes.

Inilabas ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang naturang anunsyo kahit sinabi na ng Bureau of Corrections (BuCor) na hindi nila iproproseso ang paglaya ni dating U.S. marine na si Joseph Scott Pemberton hangga't merong mosyon sa kanyang nakatakdang paglaya.

Miyerkules kasi nang unang ibalita ng isang korte sa Olongapo na basehan sa kanyang maagang paglaya ang Good Conduct Time Allowance (GCTA), na nagpapaiksi sa mga sintensya ng mga inmate nanagpapakita ng "mabuting asal" sa loob ng kulungan.

Basahin: Paglaya ni Pemberton na killer ni Jennifer Laude, 'di muna iproproseso habang may mosyon

May kaugnayan: US Marine na pumatay kay Jennifer Laude pinalalaya ng korte ng Olongapo

"Cutting matters short over what constitutes time served, and since where he was detained was not in the prisoner’s control—and to do justice—the President has granted an absolute pardon to Pemberton," ani Locsin.

Ang balitang 'yan ay kinumpirma na rin ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang pahayag.

Dahil diyan, pwedeng-pwede na raw umuwi ng Estados Unidos si Pemberton dahil sa aksyon ng presidente.

"Ibig sabihin po niyan, makalalaya na si Pemberton, wala na pong issue kung siya ay entitled sa GCTA, wala nang issue kung applicable na sa kanya ang batas dahil hindi siya nakulong sa national penitentiary," dagdag pa ni Roque.

"Binura na po ng presidente kung ano pa ang parusa na dapat ipapataw kay Pemberton... Ang 'di nabura ng presidente, 'yung conviction ni Pemberton, mamamatay tao pa rin po siya."

Ayon sa website ng Parole and Probation Administration (PPA), isang ahensya sa ilalim ng Department of Justice (DOJ), tumutukoy ang "absolute pardon" sa sumusunod:

"It is the total extinction of the criminal liability of the individual to whom it is granted without any condition whatsoever resulting to the full restoration of his civil rights."

Isa itong pagbabago ng sintensya na maaaring ibaba ng pangulo ng Republika ng Pilipinas depende sa rekomendasyon ng Board of Pardons and Parole.

Ginawa ito ni Duterte kahit na dating private prosecutor ng pamilya Laude si Roque, na tagapagsalita ni Digong.

Una nang inihalintulad ni Roque ang pagpatay ni Pemberton kay Laude sa "pagkamatay ng soberanya ng Pilipinas," lalo na't hindi man lang daw napagdusaan ng US marine ang kanyang kasalanan sa loob ng normal na selda.

Nasa Pilipinas noon ang sundalong Amerikano bilang bahagi ng military exercises ng dalawang bansa. 

Ito ang ikalawang kasong kriminal na kinasangkutan ng isang United States Marine sa Pilipinas sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) at una sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Naging malaking isyu pa noon kung saan pananagutin si Pemberton lalo na't may probisyon sa VFA na nagsasabing Amerika ang may jurisdiction sa mga sundalong Kanong lumalabag ng batas sa Pilipinas maliban na lang kung "importante para sa Pilipinas" ang nabanggit na krimen.

Dati nang sinabi ni Duterte na tuluyan na niyang puputulin ang bisa ng VFA dahil sa "hindi ito patas sa Pilipinas," ngunit bigla niya itong ipinasuspindi pagsapit ng Hunyo 2020— may mga ulat mula kay the STAR/Alexis Romero

JENNIFER LAUDE

JOSEPH SCOTT PEMBERTON

RODRIGO DUTERTE

TEODORO LOCSIN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with