^

Bansa

DOH: Pekeng 'white sand' sa Manila Bay may health risks, sabi ng mga pag-aaral

James Relativo - Philstar.com

MANILA, Philippines — May negatibong epekto sa kalusugan ang "dolomite" — o yaong mga dinurog na bato mula Cebu — na itinambak at ginamit bilang "white sand" sa dalampasigan ng Manila Bay, ayon sa ilang pag-aaral na nasilip ng Department of Health (DOH), Lunes.

Ito ang kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga reporters ngayong araw, habang naiipit sa kontrobersiya ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa isinasagawa nilang rehabilitasyon ng anyong tubig.

May kaugnayan: PANOORIN: Pagtatambak ng 'white sand' sa Manila Bay umarangkada

"[A]ng sinasabi po ng mga studies... sa mga medical literature, first ang dolomite dust, kapag naging dust na siya at nag-aerosolize sa air, it can cause respiratory issues or effects to a person," ani Vergeire.

"Kapag na-ingest [nalunok] ito, it can have a discomfort sa gastrointestinal system natin and magkakaroon lang ng konting pagsakit ng tiyan at pagtatae."

Maaari rin daw itong makapagdulot ng pagka-irita ng mata, bagay na maaari naman daw maremedyuhan basta't mahuhugasan ng tubig.

Una nang nabatikos ng Greenpeace Philippines at mga militanteng mangingisda ng Pamalakaya ang naturang maniobra sa dahilang hindi raw maitatago ng artipisyal na pagpapaganda ang tunay na karumihan ng tubig dulot ng mataas na "fecal coliform levels" at patuloy na mga reclamation. Bukod pa riyan, maaaring masayang lang daw ang P350 milyong ginastos dito oras na bagyuhin.

"Hindi naman po natin sinasabi na when you go to Manila Bay, you'll get it at once. Pero iyan lang po 'yung sinasabi ng mga artikulo. So titignan po natin," wika pa ng DOH official.

Matatandaang sinabi ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na ginagawa nila ito sa pagtatangkang gawang mala-"Boracay" ang nasabing anyong tubig, na nagdurusa ngayon sa polusyon.

Target ngayon ng kagawaran na maibaba sa 200 mpn/100 ml ang fecal coliform levels nito para muling "malanguyan" ng publiko.

"Kung ma-achieve [ang] target within the year, kaya na siya pag-swimmingan," dagdag ni Antiporda.

May Isko: Pagpigil dapat 'may factual basis'

Ayon kay Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso kanina, pwede pa rin namang ipahinto ang nasabing proyekto ng DENR basta't may sapat na batayan.

"Pwede naman eh, but when [you're going] to appeal, you must have factual basis," wika ni Domagoso sa mga reporter kanina.

"Always remember, hindi ito ipinagkaila ng DENR when they started doing it. And it's been there for almost two years na."

Ang matitiyak lang daw sa ngayon ni Domagoso ay walang basura ang parte ng Manila Bay na nasasakupan ng Lungsod ng Maynila.

Linggo nang banatan ni Vice President Leni Robredo ang nasabing proyekto, lalo na't ginawa pa ito sa kalagitnaan ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ani Robredo, maganda ay mas pinagtuunan na lang ng pansin ang COVID-19 kumpara sa pagtatambak ng sintetikong buhangin.

"Parang napaka-insensitive sa kahirapan ng tao," batikos ng vice president matapos sabihin ng Malakanyang na mapapaigi ng Manila Bay white beach ang mental health ng mamamayan.

"Kung gusto nating makatulong sa mental health ng mga tao, ayusin natin 'yung trabaho natin. Iyon ang pinakatulong, hindi iyong pag-beautify ng Manila Bay."

Ito ang sagot ni Vice President Leni Robredo sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na makatutulong umano...

Posted by News5 on Saturday, September 5, 2020

Payo naman ngayon ng DOH, dapat sumunod pa rin sa mga minimum health standards ang mga nais bumisita sa Manila Bay, bilang pag-iingat na rin sa epekto ng dolomite.

Gayunpaman, natitiwala naman daw ang DOH na pinag-isipan muna ito nang mabuti ng DENR bago ipinatupad.

"I think with the clearance of the [DENR], hindi naman po ipapatupad ng ating DENR 'yan kung hindi po nila napag-aralan na this will cause harm to the environment and our people." — may mga ulat mula sa News5

vuukle comment

DEPARTMENT OF ENVIRONMENT AND NATURAL RESOURCES

DEPARTMENT OF HEALTH

FRANCISCO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with