MANILA, Philippines — Wala pa ring nakikitang senyales sa kinaroroonan ng nawawalang 38 Pinoy crew ng barkong lumubog sa karagatan ng Japan.
Ayon sa Japan Coast Guard, nagtutulung-tulong ang apat na eroplano, tatlong barko at dalawang divers sa search and rescue operations para mahanap ang 43 sakay ng Gulf Livestock 1 kabilang ang 39 Pinoy.
Nailigtas naman ang Pinoy crew na si Sareno Edvarodo, 45-anyos chief officer, ayon sa Coast guard.
Sa pinakahuling ulat, namatay rin ang ikalawang survivor na una nang natagpuang palutang-lutang sa tubig at walang malay sa 120 km (75) miles north-northwest ng Amami Oshima island. Nadala pa ito sa ospital subalit binawian din ng buhay.
Nitong Miyerkules, nagpadala ng distress call ang barko na may lamang 6,000 baka at lulan ng 43 na crew kabilang ang 39 na Pinoy, mula sa Amami Oshima island sa Japan habang binabayo ang lugar ng bagyong Maysak.
Galing New Zealand ang mga baka at dadalhin dapat sa China.
Narekober naman sa nasabing lugar ang mga life jacket at bangkay ng mga baka.
Samantala, siniguro ng consulate General sa Osaka na patuloy ang kanilang monitoring sa sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa Japanese Coast Guard na nagsasagawa na ng ikalawang search and rescue mission bago ang inaasahang paparating na bagyo.
Ang crew ay binubuo ng 39 mula sa Pilipinas, dalawa sa New Zealand, at dalawa sa Australia.