MANILA, Philippines — Pagpapatunay daw na "sunud-sunuran" kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas na bumoto pabor sa "Marcos Day" bill sa House of Representatives, bagay na magbibigay pugay sa isang diktador kung magiging batas, ayon sa isang dating opisyal ng Commission on Human Rights (CHR).
Kung papasa sa Senado at mapipirmahan ni Duterte, taon-taon nang ituturing na non-working holiday sa probinsya ng Ilocos Norte ang ika-11 ng Setyembre — na siyang birthday ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Aabot sa 198 na konggresista ang pumabor sa House Bill 7137, na malayong-malayo sa walong tumutol sa panukala. Ngayon, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala.
"This over 100 who voted in favor of the bill reflects an expression of total submission to the executive," wika ni Rosales, Biyernes, sa panayam ng ANC.
"President Duterte has never, never really kept quiet about his admiration... for the Marcos rule, for Mr. Marcos himself."
Aniya, tumatakbo pa lang si Duterte ay ipinangako na niya sa pamilya Marcos na ipalilibing niya ang diktador — na responsable sa libu-libong human rights violations at extrajudicial killings noong Martial Law — sa Libingan ng Bayani, bagay na nangyari nga noong 2016.
Setyembre 2017 din nang ianunsyo ni Digong na gusto niyang gawing special non-working holiday ang kaarawan ni "Macoy" sa Ilocos Norte, habang sinasabing walang mali rito.
"What's wrong? He was a president," sambit ni Duterte sa isang press conference sa Cagayan de Oro City.
"To the Ilocanos he was the greatest president. Why do we have to debate on that? It's one day where they can celebrate the anniversary of a great Ilocano... As far as the Ilocanos are concerned, Marcos is a hero."
Basahin: Duterte defends declaring Marcos' birthday a holiday
Ang masaklap raw dito, hindi idinaan sa ordinansa o utos ng gobernador ang panukalang "Marcos holiday," ngunit ginamit pa ang Konggreso — isang national instrumentality. Maaaring sa Ilocos lang daw ito sa ngayon, ngunit maging pambansa na sa susunod.
Dagdag pa niya, inaakala nila noon na ginagawa ito ni Duterte para ibalik sa kapangyarihan ang pamilya Marcos. Pero sa tantya ni Rosales, may mas malalim pa raw na pinaghuhugutan si Digong kung kaya niya ito ginagawa.
"It's not necessarily trying to put the Marcoses back in power, but trying to put back the consciousness of one-man-rule, whoever this one man be. It need not be the Marcoses," sabi pa niya, na isa sa mga nagtulak ng Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.
"We do not celebrate dictators. We topple them... We reserve our holidays for our brave heroes and martyrs, not to the tyrants who oppressed and killed many of our people."
Bagama't hindi pa nasasagot nasasagot ni Jacqueline de Guia, kasalukuyang tagapagsalita ng CHR, ang usapin, ibibigay naman daw niya ang kanyang kuro-kuro rito sa PSN.
Imee Marcos natuwa sa balita
Kung nanggagalaiti naman ang mga human rights advocates, galak na galak naman ang mga kamag-anakan ni "Apo," gaya na lang ni Sen. Imee Marcos, na kanyang anak na babae.
"My heartfelt thanks to all those who supported the Marcos holiday in Ilocos Norte," wika niya sa isang pahayag, Biyernes.
Bagama't natitiyak na boboto si Imee sa panukala kung aabot ito sa Senado, sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na wala pang counterpart bill sa Mataas na Kapulungan.
Hindi naman diniretso ng Palasyo kung suportado nila ang pagpapasa ng nasabing measure, ngunit tiniyak ni presidential spokesperson Harry Roque na rerespetuhin nila anuman ang maging desisyon ng dalawang sangay ng Konggreso.