PANOORIN: Pagtatambak ng 'white sand' sa Manila Bay umarangkada
MANILA, Philippines — Nagsisimula nang trabahuhin ng pamahalaan ang pagtratransporma ng Manila Bay para magmukhang "sosyal" na beach, Huwebes.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, bahagi pa rin ito ng programa ng gobyerno na i-rehabilitate ang nasabing look — na nagdurusa sa polusyon at mataas na fecal coliform levels.
Target ngayon ng DENR na lalo pang mapalinis ang kaledad ng tubig hanggang maibaba sa 200 mpn/100 ml, at gawing mala-"Boracay" aniya ang bay area.
"Kung ma-achieve [ang] target within the year, kaya na siya pag-swimmingan," ani Environment Undersecretary Benny Antiporda.
In January this year, Secretary Roy Cimatu said the most recent data from the DENR’s Environmental Management Bureau showed that the coliform levels have “drastically decreased.” pic.twitter.com/XS9Xo9SJ9N
— The Philippine Star (@PhilippineStar) September 3, 2020
Enero 2020 nang sabihin ni Environment Secretary Roy Cimatu na bumaba na nang husto ang coliform levels ng Manila Bay, batay na rin daw sa datos na ipinakita ng Environmental Management Bureau.
Pero paglilinaw ng DENR, hindi tunay na white sand ang gagamiting panambak, ngunit dinurog na "dolomite boulders" mula sa Cebu. Aniya, bawal raw kasing ibyahe ang tunay na puting buhangin mula sa mga dalampasigan.
Lilinisin pero ito ang gagawin?
Pinalagan naman ng ilang environmental at fisherfolk groups ang naturang proyekto, lalo na't hindi raw ito dapat ginagawa kung gusto talagang linisin ang nasabing anyo ng tubig.
"Kung ang objective is to save Manila Bay by cleaning it up, putting [synthetic] materials on top of the uncleaned environment would not help," sambit ni Sonny Batungbacal, campaigner ng Greenpeace Philippines.
"I doubt kung dumating 'yung mga storm surges [at] bagyo kung nandiyan pa 'yan — not to mention 'yung cost involved."
Ayon naman kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya, napakaabsurdo ng pinaggagagawa ng gobyerno sa 500-metrong haba ng baywalk.
Sa huli't huli, tila mas interesado pa raw ang pamahalaan sa panlabas na anyo kaysa sagutin talaga ang pagkasira ng kalikasan sa lugar.
"Why invest in white sand when you can plant mangrove forests and sea grasses that would restore and balance its marine ecosystem?" ani Hicap sa isang statement.
"Moreover, destructive projects such as massive reclamation and conversion of fishing grounds must stop. No amount of white sand and external beauty can restore Manila Bay if such destructive projects are going through."
Binabanatan din ngayon ng Pamalakaya ang pag-apruba ng DENR sa ilang reclamation projects sa Lungsod ng Bacoor at Bulakan. Ang malungkot pa, pinagpuputol na raw ang mga bakawan sa Bulakan na lubhang pipinsala sa huli ng alimango. — James Relativo at may mga ulat mula kay News5/Shyla Francisco
- Latest