Unemployment rate bumaba sa 10% nang luwagan ang lockdown
MANILA, Philippines — Milyun-milyong Pilipino ang nabawi ang kani-kanilang mga trabaho sa muling pagbubukas ng ekonomiya sa gitna ng pandemya dulot ng coronavirus disease (COVID-19) noong Hulyo, ayon sa bagong datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), Huwebes.
Lumalabas sa ulat ng gobyerno na 10% ng Pilipinong parte ng labor force, o mga taong naghahanap ng trabaho, ang walang trabaho o negosyo nitong Hulyo. Ito ay nangangahulugang mga 4.6 milyong Pilipino na walang trabaho.
Sa populasyon ng labinlimang taong gulang pataas, ang bilang ng mga indibidwal sa labor force o mga indibidwal na employed o unemployed ay naitala sa 61.9 percent o katumbas ng 45.9 milyong indibidwal nitong nakaraang July. #PHEmployment @mapa_dennis
— PSAgovPH (@PSAgovph) September 3, 2020
Malayo-layo ito kumpara sa naitalang 17.7% record-high unemployment rate ng ahensya noong Abril habang kasagsagan ng mga COVID-19 lockdowns sa Pilipinas.
Ibig sabihin, nasa 2.7 milyong trabaho ang naibalik sa ekonomiya ng Pilipinas simula nang dumami ang isinailalim sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).
Gayunpaman, higit na mas marami pa ring walang trabaho ngayon kumpara noong parehong panahon noong isang taon.
"Ito ay mas mataas ng 2.2 milyon kaysa sa bilang noong July 2019 na nasa 5.4 percent o 2.4 milyon," sambit ng PSA sa kanilang report ngayong umaga.
"Ang bilang ng may trabaho o negosyo ay bumaba ng 1.2 milyon mula July 2019 hanggang July 2020. Nitong nakaraang July, ang bilang ng mga may trabaho o negosyo ay naitala sa 41.3 milyon na lamang."
Pantay naman ang naitalang employment rate ng mga kababaihan at kalalakihan nitong Hulyo. Batay sa mga numero, siyam sa bawat sampung babae at lalaking nasa labor force ang may trabaho o negosyo, habang isa sa kada sampung babae o lalaki ang walang trabaho.
Nangyayari ang lahat ng ito habang nasa ilalim ng "technical recession" ang ekonomiya ng Pilipinas, bagay na sinasabing pinakamalala simula pa noong 1981.
Metro Manila pinakatamak ang kawalang trabaho
Hindi lang numero uno sa COVID-19 cases ang National Capital Region (NCR). Ito rin ang may pinakamataas na unemployment rate sa lahat ng rehiyon ng Pilipinas.
"Ang NCR ay naitayang may pinakamataas na unemployment rate na nasa 15.8 percent, samantalang ang [Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao] ang may pinakamababa na nasa 3.8 percent noong July 2020," patuloy ng PSA.
"Base sa datos, karamihan o 80.8 percent ng mga manggagawa na may trabaho ngunit hindi nakapasok, ang nagpahayag na ang dahilan kaya hindi sila nakapasok sa trabaho ay ang COVID-19 pandemic o Community quarantine."
Lumalabas din na napaiksi ng COVID-19 pandemic ang oras ng pagtratrabaho ng mga Pilipinas.
Kung susumahin, kulang-kulang 38.2 na oras kada linggo na lang ang ginugugol na oras ng mga manggagawa sa pagkayod. Mas maiksi ito kumpara sa 41.8 oras kada linggo noong July 2019.
- Latest